183 total views
Hinamon ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga kabataan na huwag magpadala sa idinidikta ng mundo.
Sa pagninilay ni Cardinal Tagle sa misa ng kapistahan ng Mahal na Poon ng Santo Sepulcro sa San Fernando De Dilao, Paco Manila, sinabi nitong hindi dapat madaig ang mga kabataan ng udyok ng konsumerismo o ng idinidikta ng kanilang kapwa na maganda base sa pamantayan ng lipunan.
Sinabi ni Cardinal Tagle na sa pagsunod sa dikta ng lipunan ay itinataas ng tao ang kan’yang sarili upang mapantayan ang mataas na antas ng kapwa.
Ipinaalala ng Kardinal sa mga kabataan na dapat tularan si Hesus sa Santo Sepulcro na ibinaba ang Kan’yang sarili kaya naman ito ay itinaas ng Panginoon.
“Mga kabataan alam ko kayo ay parang lagi nalang binobomba ng napakaraming kaisipan at mga advertisement kung papano maging glorious. Ang daming pressure na kailangan successful, competitive. Ang mundo natin ngayon pinipilit, ito ang tama ganito ka dapat. Huwag kayong magpapa pressure sa sinasabi ng consumerist world, sa sinasabi ng mga bully.” Pahayag ni Cardinal Tagle.
Pinayuhanan ni Cardinal Tagle ang mga kabataan na maging tulad din ni Hesus na naglilingkod, at nag-aalay ng kan’yang saliri sa pamamagitan ng mga talent, para sa kabutihan ng iba.
“Yung pagtanggap sa kung sino ka at pagiging simple, hindi nakikipag tagisan na nakakapagod, kun’di ikaw ay naglilingkod kung meron kang talento, hindi para sa kompetisyon, para iangat ang sarili, kun’di para bumaba sa kapwa at ialay ng buong kaligayahan kung ano mang meron ka.Mahal ka ng Diyos at walang masama na ikaw ay makiisa sa mga maliliit at hamak na bagay maglingkod ka.” Dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Nanawagan din sa mga nakatatanda at sa mga magulang ang Arsobispo na gabayan tungo sa mabuting landas at huwag ipahamak ang mga kabataan.
Ibinahagi ni Cardinal Tagle ang isang suliranin na kinaharap niya sa pagiging pangulo ng Caritas Internationalis, na Online Sexual Exploitation of Children o OSEC.
Inihayag ng Kardinal na nakalulungkot na mismong magulang o kaanak ng mga bata ang naglalagay sa kanila sa kapahamakan.
Kaya naman nanawagan si Cardinal Tagle sa mga nakatatanda na protektahan, mahalin, at gabayan ang mga kabataan sa halip na ipahamak ang mga ito.
“Maraming kabataan ang parang nahahatulan sa kapahamakan sa mundo natin ngayon. Sa taon ng kabataan nakikiusap ako lalo na sa mga magulang, mga pamilya, hindi ipapahamak ang sariling dugo. Nakalulungkot na majority ng cases ng pagpapahamak ng mga bata ay pamilya ang gumagawa. Tingnan natin si Kristo sa Santo Sepulcro wala S’yang ipinahamak kahit na S’ya ang napahamak.” Pahayag ng Cardinal.
Noong nakaraang taon lumabas sa pagsusuri ng Philippine Interfaith Movement Against Human Trafficking o PIMAHT, na kahirapan ang pangunahing dahilan kung bakit dumadami ang kaso ng Online Sexual Exploitation of Children hindi lamang sa Pilipinas kun’di maging sa ibang bansa.
Tinatayang nasa 12 ang edad ng mga batang karaniwang nabibiktima ng online sex at sa buong pag-aaral ng PIMAHT ay isang 2 months old na babaeng sanggol ang pinakabata nilang nasagip.