156 total views
Hinimok ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga kabataan na tularan ang pagiging masunurin ng dalagitang si Maria.
Ibinahagi ni Cardinal Tagle sa banal na misa noong kapistahan ng Our Lady of Guadalupe na ang dalagang si Maria ay halos labinlimang taong gulang pa lamang nang magpakita ang anghel na si Gabriel at binigyan ng utos mula sa Panginoon.
Sinabi ni Cardinal Tagle na sa kabila ng kabataan ni Maria at pagkalito noong panahong iyon ay tinanggap pa rin niya ang utos ng Diyos na maging ina ni Hesus.
Ayon kay Cardinal Tagle, dito makikita na sa kabila ng mga pansariling pangarap at plano ng mga kabataan ay kinakailangang laging manguna at mangibabaw pa din ang plano ng Panginoon.
“Kay Maria makikita natin ang halimbawa hindi lamang para sa kabataan kun’di para sa ating lahat, isang tao na laging handang makinig sa Diyos upang hindi ang kalooban ko lamang kun’di ang kalooban ng Diyos ang s’yang matupad at ang kalooban ng Diyos ang gagawin kong pangarap ko. Ang hirap n’yan, ano po? Mangangarap ako pero sa bandang huli ang pangarap ng Diyos ang gagawin kong pangarap hindi na yung akin lamang,” pahayag ni Cardinal Tagle.
Samantala, hinimok naman ng Kardinal ang mga nakatatanda na suportahan at gabayan ang mga bata sa kanilang mga pangarap.
Binigyang diin nito na hindi dapat hadlangan ng mga nakatatanda ang pangangarap ng mga kabataan at bagkus ay lalo pang palakasin ang kanilang loob, sa pag-abot sa kanilang mga ambisyon nang may gabay mula sa Diyos.
“Huwag nating papatayin ang energy, ang zeal ng kabataan na harapin ang kanilang buhay at ang kinabukasan. Kaya mga kabataan, continue dreaming! Ang kabataan na hindi nangangarap, naku po… Tayong mga hindi na bata, kapag naman ang kabataan ay nangangarap, huwag naman ninyong, “Tumahimik ka d’yan!” “Walang mangyayari d’yan!” “Inisip ko rin yan! Wag mo nang pag-aksayahan yan!” Hindi.” Dagdag pa ng Kardinal.
Sa isang pag-aaral ng Dream Project PH lumabas na 70 porsyento o katumbas sa 7 sa bawat 10 kabataang Filipino ang walang pangarap sa buhay.
Ngayong ipinagdiriwang ng simbahan ang Year of the Youth, tinatawagan ang bawat isa na maging misyonero ng Panginoon sa pamamagitan ng paghahatid ng mabuting balita at paghikayat sa kanilang kapwa upang patuloy na mangarap ng kinabukasan.