203 total views
Emosyunal na pinangunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang misa para sa ika-25 taong pagtatalaga ng simbahan ng National Shrine of Our Lady of Guadalupe.
Ito’y makaraang mag-alay ng panalangin ang mga mananampalataya kay Cardinal Tagle at sa kanyang pagtugon sa bagong tungkulin bilang Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples.
Hiling ng mga mananampalataya sa panginoon na bigyan ng lakas at pagpalain si Cardinal Tagle sa kanyang pagganap bilang pinuno ng Propaganda Fide.
Labis ang pasasalamat ni Cardinal Tagle sa nadaramang suporta at pagmamahal mula sa mga mananampalataya
Sa kanyang homiliya, hinimok ng Kardinal ang mga mananampalataya na ialay ang sarili bilang mga buhay na templo ng Panginoon.
Inihayag ni Cardinal Tagle na ang kahilingan ng Diyos ay i-alay ng tao ang buhay sa kanya.
“Ikaw, hindi mga handog na pampalit, substitute. Yan po ang hinihingi sa atin sa anibersaryo ng dedicatin of the church, i-maintain at pagandahin ang simbahan pero ang hinihingi ni Hesus sa bawat ang buhay na bato sa katawan ni Kristo.” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Tagle.
Umaasa din si Cardinal Tagle, na sa kapistahan ng mahal na Birhen ng Guadalupe ay matularan ng mga mananampalataya ang pag-aalay ni Maria ng sarili sa pagtalima sa utos ng Panginoon na maging ina ng tagapagligtas.
“Sana katulad ng mahal na ina na nag-alay ng kaniyang sarili sa pagsasabi n’ya sa anghel, “Narito ang alipin ng Panginoon, maganap sa akin ayon sa wika mo,” inialay niya ang kanyang sarili, sa ganitong diwa lalong gaganda ang ating sambayanan, ang ating parokya ang ating shrine, hindi dahil sa palamuti kundi dahil sa mga puso’t isip katawan at dugo na nagiging kasiya siya sa ating Panginoon.” Pahayag pa ni Cardinal Tagle.
Tuwing ika-12 ng Disyembre ay ipinagdiriwang ang kapistahan ng Our Lady of Guadalupe.