430 total views
Itinalaga ng Kanyang Kabanalan Francisco si Cardinal Luis Antonio Tagle bilang kasapi ng Congregation for the Eastern Churches.
Sa inilabas na pahayag ng Vatican nitong Hunyo 9, 2021, magiging Cardinal Member ng tanggapan si Cardinal Tagle habang pinamumunuan nito ang Congregation for the Evangelisation of Peoples.
Ang tanggapan ay itinatag ni Pope Pius IX noong Enero 6, 1862 at bahagi ng Congregation for the Evangelisation of Peoples ngunit sa bisa ng Motu Proprio Dei Providentis ni Pope Benedict XV noong Mayo 1, 1917 nagiging independent ito bilang Congregatio pro Ecclesia Orientali.
Layunin nito ang makipag-ugnayan sa Oriental Catholic Churches upang tulungang lumago ang pananampalataya, protektahan ang kanilang mga karapatan at patatagin ang pakikipag isa sa simbahang katolika.
Bilang Cardinal member ng tanggapan isa sa mga tungkulin ni Cardinal Tagle ang dumalo sa mga special ordinaries at plenary assemblies upang tugunan ang mahahalagang usapin ng Oriental Churches.
Ito ay may eksklusibong pamamahala sa mga simbahan sa Egypt at Sinai Peninsula, Eritrea at Northern Ethiopia, Southern Albania at Bulgaria, Cyprus, Greece, Iran, Iraq, Lebanon, Palestine, Syria, Jordan at Turkey.
Si Cardinal Leonardo Sandri ang kasalukuyang Prefect ng Congregation for the Eastern Churches kasama ang 27 Cardinal, isang arsobispo at apat na obispong itinalaga ng Santo Papa.