362 total views
Itinalaga ng Kanyang Kabanalan Francisco si Cardinal Luis Antonio Tagle, Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples bilang kasapi ng Administration of the Patrimony of the Apostolic See (APSA).
Batay ito sa abiso na inilabas ng Vatican nitong Pebrero 22.
Ito ang pinakabagong karagdagang posisyon ng dating arsobispo ng Maynila sa Vatican sa ilalim ng pamamahala ni Pope Francis.
Ang APSA ang nangangasiwa sa lahat ng pag-aari ng Holy See at nagbibigay ng pondo sa Roman Curia at sa mga proyekto ng Vatican.
Bahagi rin ito ng isinagawang reporma ng Santo Papa sa Roman Curia upang matiyak ang ‘transparency’ sa pamamalakad ng Vatican lalo na sa usaping pinansyal.
Matandaang Disyembre 2020 nang magpalabas ng Motu Propio si Pope Francis para sa economic at financial matters na nagpapahintulot sa paglipat ng pamamahala sa mga financial investments at real estate holdings mula sa Secretary of State sa Administration of the Patrimony of the Apostolic See.
Nagpapakita rin ito ng pagtitiwala ng Santo Papa sa kakayahan ni Cardinal Tagle sa pamamahala sa mga mahalagang tanggapan sa Vatican.
Taong 2019 nang italaga ang Cardinal bilang pinuno sa Congregation for the Evangelization of Peoples, habang Mayo 2020 namang ng italagang Cardinal-Bishop ng San Felice da Cantalice a Centocelle