772 total views
September 24, 2020-7:00am
Ganap nang ligtas mula sa panganib na dulot ng Novel Coronavirus ang Kaniyang Kabunyian Luis Antonio Cardinal Tagle.
Ito ng kinumpirma ni Fr. Gregory Gaston, rector ng Pontificio Collegio Filipino at Pastoral Care of Overseas Filipino Workers sa Italya makaraan na ring sumailalim sa swab test at nagnegatibo ang resulta ng dating arsobispo ng Maynila na kasalukuyang nasa Pilipinas.
“Cardinal Tagle’s negative result for the swab test is indeed a great joy for the whole Church. God wants him to continue serving in the Vatican’s office for the Missions, to bring God’s Good News of love, joy, peace, justice, forgiveness and reconciliation — all of which the world needs in a special way these days,” ayon sa pahayag ni Fr. Gaston.
Ikinagagalak din ng Collegio Filipino ang balita na magaling na si Cardinal Tagle kung saan siya naninirahan simula nang magtungo sa Roma para gampanan ang mga tungkuling iniatang ng Santo Papa Francisco.
Una na ring inihayag ni Fr. Gaston na unti-unti ng nagbabalik trabaho ang mga Filipino at pagbubukas ng turismo sa Italya.
“We wish him all the best in his short visit to the Philippines, to rest a bit and be with his family back home,” dagdag pa ni Fr. Gaston.
Bago itinalaga ni Pope Francis bilang Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples’ una na ring itinalaga si Cardinal Tagle bilang pangulo ng Caritas Internationalis.
Si Cardinal Tagle ang kauna-unahang pinuno ng Roman curia na nahawaan ng Covid-19.
Sa Pilipinas, apat na obispo ang nahawaan ng sakit kung saan una na ring gumaling mula sa karamdaman sina Manila Apostolic Bishop Broderick Pabillo at Kalookan Bishop-emeritus Deogracias Iniguez.
Namayapa naman dahil sa kumplikasyon dulot ng Covid-19 sina Lingayen-Dagupan Archbishop-emeritus Oscar Cruz at Imus-Bishop Emeritus Manuel Sobreviñas.