329 total views
Ang pamilya ang pinagmumulan ng ligaya at unang sumusugat sa puso ng tao.
Ito ang paalala ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa ikaapat na Usapang Totoo at Katoto o UTAK ng Manila Archdiocesan Commission on Youth, noong ika-16 ng Nobyembre.
Inilahad ng ilang kabataan sa UTAK ang kanilang karanasan kung paano gumuho ang kanilang mundo at perpektong pagtingin sa pamilya nang maghiwalay ang kanilang mga magulang.
Labis na naantig ang damdamin ni Cardinal Tagle sa pinagdaanan ng mga kabataan.
Dahil dito, pinaalalahanan niya ang mga mag-asawa, at magulang na laging isaalang-alang ang kanilang mga anak.
Pinayuhan ng Kardinal ang mga mag-asawa na hindi dapat maging makasarili at iniisip lamang ang kanilang kagustuhan sa pakikipaghiwalay at hindi isinaalang-alang ang panghabangbuhay na epekto nito sa mga anak.
“Gaano kahalaga ang pamilya? Ang pamilya ang pinagmumulan ng ligaya at lakas, at pamilya din ang unang nagsusugat sa puso ng tao… minsan nagdedesisyon ang mag-asawa ang iniisip lang nila ang kanilang sarili. Nakakalimutan na merong naaapektuhan for life.” pahayag ni Cardinal Tagle.
Tiniyak naman ni Cardinal Tagle sa mga kabataan na laging alalahanin na mayroong malaking pamilya na handang tumanggap at magmahal sa kanila.
Sinabi ng Kardinal na ang Simbahan na pamilya ni Hesus ay hindi dapat ituring na substitute o panghalili lamang.
Aniya ito ay tunay, dahil ito ay isang pamilya na nakaugat sa Panginoon.
“Yung laging nangangamba, ako kaya ay mamahalin? ako kaya ay iiwan? Huwag kayong mawalan ng pag-asa mayroong malaking pamilya na pwedeng sumalo. Sa inyong tatlo, lagi kayong may pamilya, ang pamilya ni Hesus. At yun ay hindi substitute sa inyong nanay, tatay, pero tunay na pamilya pa rin kayo dahil naka ugat sa Panginoong Hesukristo.”pagtiyak ni Cardinal Tagle
Sa mga nakalipas na pagdaraos ng UTAK ng ACY, malimit na lumalabas na suliranin ng mga kabataan ang hindi maayos na kalagayan ng kanilang pamilya.
Dahil dito, pinaiigting ng simbahan ang mga programa upang magabayan ang bawat kabataan na hindi maligaw ng landas sa kabila ng kaguluhan sa kanilang pamilya o tahanan.
Bukod dito, misyon din ng simbahan na lalo pang mapalakas at mapagtibay ang mga pamilyang Pilipino.