435 total views
Nagpahayag ng pag-aalala si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga naapektuhan ng malakas na lindol sa lalawigan ng Leyte.
Ito ang inihayag ni Rev. Fr. Ricardo Valencia, Priest Minister ng Disaster Risk Reduction and Management Ministry ng Archdiocese of Manila.
Ayon kay Father Valencia, nagpadala sa kanya ng mensahe ang Kardinal para alamin ang sitwasyon sa Leyte na nakaranas ng magnitude 6.5 na paglindol kahapon.
Si Cardinal Tagle ang kasalukuyang Pangulo ng Caritas International at kamakailan lamang ay personal siyang bumisita sa Leyte at Samar para kamustahin ang pagbangon ng mga naapektuhan ng bagyong Yolanda.
Kaugnay nito, nagpahayag din ng kahandaang tumulong ang Archdiocese of Manila sa mga napinsala ng paglindol.
“Tayo ay nakahanda sa pagtulong anuman ang pangangailangan nila, at sana maging bukas din sa pagtulong ang ating mga kapanalig” ani Father Valencia.
Nangangamba ang Pari na dahil sa naganap na paglindol ay makikita ang psycho-social effect ng kalamidad sa kaisipan ng mga taga-Leyte lalo na’t halos apat na taon pa lamang ang nakakalipas ay naranasan nila ang isa sa pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan ang bagyong Yolanda.
“Na-realize ng Simbahan na marami pa pala ang hindi naka get-over sa epekto ng Yolanda mahalaga talaga ang psycho-social intervention at ito ang ating bibigyan pansin.”Ani Fr. Valencia
Kaugnay nito, nagdulot ng takot at pangamba sa mga residente ang naganap na 6.5 magnitude na lindol sa Leyte, Eastern Visayas.
Ayon kay Rev. Fr. Albert Opiniano, Parish Priest ng Holy Family Parish sa Kanangga, Leyte, malakas ang naramdamang pagyanig sa lalawigan na naganap bandang alas-kuwatro ng hapon.
Pagbabahagi ng Pari, sa lakas ng pagyanig ay nawasak ang pader ng kumbento ng parokya habang nagkaroon naman ng mga bitak at lamat maging ang mga sahig at mismong altar ng Simbahan bukod pa sa mga natumbang cabinet at nagkalat na mga kagamitan.
“Hindi nagtagal pero malakas, first time na merong mga damages, merong mga injury, merong namatay, yung pader namin sa kumbento nawasak, yung pader namin yung wall sa convent, merong crack sa flooring sa altar at saka yung mga gamit namin nagkalat, merong cabinet na natumba…”pahayag ni Father Opiniano.
Pagbabahagi ng Pari, kasalukuyan nang nangangalap ng mga impormasyon ang mga BEC coordinators ng parokya upang makapagsagawa ng assessment sa mga barangay na nagkaroon ng pinsala at lubos na naapektuhan ng naganap na lindol.
“pinakiusapan namin ang mga BEC Coordinators na magbigay sila sa amin ng assessment sa mga different barangay na merong mga damages merong casualty, merong injury, maghihintay pa kami ng report ngayong umaga…” Pagbabahagi ni Fr. Opiniano.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) naitala ang sentro ng lindol 8-kilometro sa Timog-Kanluran ng Jaro, Leyte na umabot ng intensity 5 at naramdaman maging sa Roxas City at Negros Occidental.