168 total views
Hinimok ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang bawat parokya, institusyon, paaralan at komunidad na makiiisa sa kampanya ng Department of Health para labanan ang pagkalat ng Zika virus.
Sa liham, hiniling ni Cardinal Tagle sa mga parish priest at bawat institusyon na nasasakupan ng Archdiocese of Manila na ipalaganap ang ‘4s’ at ito ay ang mga sumusunod:
1. Search and destroy mosquito-breeding places.
2. use Self protection measures.
3. Seek early consultation for fever lasting more than two days.
4. Say yes to fogging when there is an impending outbreak.
Ayon sa ulat ng World Health Organization (WHO) ang Zika virus ang pangunahing kumakalat sa tao dulot ng pagkagat ng lamok na may virus o ang Aedes aegypt.
Kaakibat din ng Pastoral Guidance on the Preventive Response to Zika Virus na inilabas ni Cardinal Tagle ang panawagan na mag-ingat at panatilihing malinis ang kapaligiran.
Umaapela ang kanyang Kabunyian sa publiko na isaalang-alang at umiwas na makagat ng lamok lalu na sa hapon at gabi gayundin ang pagsusuot ng hindi makukulay na damit.
Hinihikayat din ang bawat isa na magsuot ng mahahabang kasuotan upang matakpan ang ang bahagi ng paa at braso na karaniwang lantad sa mga kagat ng insekto.
Gumamit ng window at door screen, ng kulambo at ang insect repellant.
Dapat din panatiliing may takip ang mga lalagyanan ng tubig at pagpapanatili ng kalinisan sa kapaligiran upang hindi magamit bilang breeding ground ng mga lamok.
Kinakailangan din na maging maalam ang bawat isa sa mga sintomas ng Zika, kabilang dito ang pagkakaroon ng lagnat, rashes, pananakit ng ulo at katawan na kinakailangan na ng pagpapakosulta sa manggamot.
Hiniling din ni Cardinal Tagle na magdasal para sa kaligtasan ng lahat kaakibat na rin ang pag-iingat sa loob at labas ng tahanan upang makaiwas sa panganib na dulot nito.
Sa tala ng DoH, may 12 kaso na ng Zika ang naitala sa bansa kabilang na dito ang isang nagdadalang tao sa Cebu City.
February 2016 nang ideklara ng WHO ang zika outbreak dahil sa mabilis na pagkalat nito sa mga bansa sa America, Pacific Southeast Asia na nagsimula sa Brazil taong 2015.