228 total views
Inalala ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, incoming Prefect of Propaganda Fide ang mga biktima ng magnitude 6.9 na lindol na tumama sa Davao del Sur sa pagsisimula ng unang Misa de Gallo sa Minor Basilica and Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception o mas kilala bilang Manila Cathedral.
Inihayag ni Cardinal Tagle na agad siyang nagpaabot ng personal na mensahe sa mga Obispo ng mga diyosesis na naapektuhan ng 6.9-magnitude na lindol sa Mindanao kung saan ang pinaka-sentro ay ang Diocese ng Digos.
Ibinahagi rin ni Cardinal Tagle ang pahayag sa kanya ni Digos Bishop Guillermo Afable na isang Pari ng Diyosesis ang nasugatan sa lindol bukod pa sa maraming ari-arian ang nasira.
Sinabi ni Cardinal Tagle na sa kabila ng trahedya ay tiniyak ni Bishop Afable sa kanya ang patuloy na paggunita at pagsasagawa ng Simbang Gabi at Misa De Gallo sa diyosesis bilang pagpapahayag ng patuloy na pananampalataya sa Panginoon.
“Alalahanin po natin ang mga kapatid natin lalo na sa Mindanao na kahapon ay dumanas na naman ng lindol at mas malakas kaysa sa mga nauna pa, ako po ay nagpadala ng mensahe sa mga Obispo doon sa bahagi ng Cotabato, Davao, Davao Del Sur ang pinakanaapektuhan ay yung nasasakupan ng Diyosesis ng Digos at sabi nung Obispo (Digos Bishop Guillermo Afable) kagabi meron pang isang Pari na sugatan dahil inabutan ng lindol habang bumibisita siya sa isang malayong lugar pero sabi nung Obispo (Digos Bishop Guillermo Afable), Chito Simbang Gabi na bukas at ipapamalas ng sambayanan na kahit na lindol may pananampalataya…” bahagi ng homiliya ni Cardinal Tagle.
Ayon kay Cardinal Tagle, ito ang tunay na diwa ng Simbang Gabi na maipahayag ang pananampalataya at paniniwala sa biyaya at kaloob ng Panginoon sa sanlibutan sa pamamagitan ng pagtutok kay Hesus na tagapaghatid ng kapayapaan at nagligtas sa sangkatauhan mula sa kasalanan.
“At yun po ang diwa ng Simbang Gabi ‘pananampalataya’ nananalig tayo at naniniwala na mayroong dadating na Hesus, ang Diyos magliligtas, Emmanuel ang Diyos kapiling natin, at sa darating na siyam na araw siya ang ating titingnan para sa pagdating ng Pasko. Siya si Hesus ating tanggapin ng mabago, magkaroon ng liwanag, magkaroon ng kapayapaan ang ating buhay, ang ating pamilya at ang ating sambayanan…” Dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Dahil dito hinimok ng Kardinal ang bawat isa na alalahanin at makiisa sa lahat ng mga nasalanta ng iba’t-ibang kalamidad na patuloy na nagpapahayag ng kanilang pananampalataya sa Panginoon sa pamamagitan ng pagdiriwang ng Misa de Gallo at Simbang Gabi sa kabila ng pangamba at takot na dulot ng kalamidad.
Hinamon naman ni Cardinal Tagle ang bawat mananampalataya na makibahagi sa lahat ng 9 na araw na Misa De Gallo o Simbang Gabi na sumisimbolo rin ng pakikibahagi sa 9 na buwang pagdadalang tao ng Mahal na Birheng Maria kay Hesus na siyang Prinsipe ng Kapayapaan at Tagapagligtas ng Sanlibutan.
Pinaalalahan rin ng Kardinal ang lahat lalu na ang mga kabataan na huwag magpalinlang sa mga Fake News o anumang halaga ng salapi kapalit ang katotohanan.
Tinukoy ni Cardinal Tagle na dahil sa mga mali o huwad na mga paratang ay namatay si Hesus sa Krus kaya’t mahalagang maging tunay na saksi ng katotohanan at Mabuting Balita na nais na palaganapin ng Panginoon sa sanlibutan.
“Simbang Gabi siyam na madaling araw o siyam na gabi. Ito po ay mga Misa sa karangalan ng Diyos na pagbibigay niya sa atin ng isang babae na nangangalang Maria na unang tumanggap kay Hesus bilang kanyang anak at sa siyam na buwan dinala niya si Hesus sa kanyang sinapupunan hanggang dumating ang pagsilang. Sa siyam na Simbang Gabi parang sinasamahan natin si Maria ng siyam na buwan, bawat araw isang buwan ng pagbubuntis ni Maria at tayo naman sinasamahan natin siya, natututo tayo kay Maria papaano taglayin si Hesus sa ating buhay. Kaya tayo na nagsimula unang araw, tapusin ang siyam na buwan, tapusin ang siyam kung hindi baka ma-premature…” Ang hamon ni Cardinal