190 total views
Pinasalamatan ng Kanyang Kabunyian Manila Abp. Luis Antonio Cardinal Tagle ang lahat ng mga sumuporta sa isinagawang concert ng Manila Cathedral na “Maria, the most beautiful sound” noong ika-9 ng Nobyembre.
Ayon sa Kardinal, tulad ni Maria ang Manila Cathedral ay nagsilbing kanlungan ng mga Filipino at ng kanilang mga panalangin ng pasasalamat, kagalingan at pag-asa.
Inihayag ni Cardinal Tagle na sa patuloy na pagdarasal ng mga mananampalataya ay nagiging kaisa nito sa panalangin ang mga nagdaang henerasyon, na dasal para sa kapayapaan, at pagwawakas ng digmaan.
“Take comfort my dear friends in our knowledge that when we worship together in this cathedral today, we join generations before us who have huddled together in prayer, in times of peace and in times of war and strife. We stand here now taking part in the rich history of our faith and the expression of love through the centuries.” Bahagi ng pahayag ni Cardinal Tagle.
Dahil dito, hinimok din ni Cardinal Tagle na tularan ng mga mananampalataya ang pag-ibig na ipinamalas ng Birheng Maria.
Paliwanag ng Kardinal, ang kasalukuyang kalagayan ng lipunan ay nag-uudyok sa mga tao upang maghari ang galit at poot.
Aniya, mas madali ito para sa mga tao dahil ang pagkapoot ay hindi na ngangailangan ng pagsasakripisyo at pananampalataya.
Gayunman, ipinaalala nito na hindi sa pagkamuhi kun’di tanging sa pag-ibig lamang masusumpungan ng bawat mananampalataya ang kaligtasan.
At upang maitaguyod muli ang buhay ng tao at ng lipunan, sinabi ni Cardinal Tagle na mahalagang balikan ng bawat isa ang pagkakawanggawa at pag-ibig sa kapwa.
“Hate after all is extremely alluring attractive because it requires no knowledge, no courage, no sacrifice, no faith. My dear brothers and sisters let us look to the example of our blessed Mother, it is imperative that we remember salvation is found not in hate but in love. It is love that restored us to the side of God, it is love that rebuilt this very cathedral after it had been razed by fire, destroyed by earthquakes, and mercilessly bomb during the battle of liberation in 1945. If we are to rebuild our lives and our society, we must return to the greatest of all virtues, charity, and love.”
Ang concert na “Maria, the most beautiful sound” ay bahagi ng pagdiriwang ng ika-60 taong muling pagkakatatag ng katedral ng Maynila noong 1955 makalipas ang ikalawang digmaang pandaigdig.
Dinaluhan ang pagdiriwang ng libu-libong mga mananampalataya, kasama na din si Apostolic Nuncio to the Philippines Abp. Gabrielle Giordano Caccia.
Ikinagalak naman ng bawat isa ang espesyal na pagtatanghal ni Cardinal Tagle na umawit ng “Inay”, na inialay nito sa Mahal na Birheng Maria.