292 total views
Kinilala ni Manila Archbishop Cardinal Luis Antonio Tagle ang pagtutulungan ng mga mananampalataya ng Arkidiyosesis ng Maynila sa pagtugon sa pangangailangan ng mga biktima ng pagputok ng Bulkang Taal.
Sa liham ng arsobispo sa mga kapwa Pari, religious communities at mga layko, labis itong nagpasalamat sa pakikiisa sa panawagan ng Simbahan na lingapin ang mga apektadong residente ng Batangas.
“Thank you for your manifestation of Christian compassion and solidarity towards our sisters and brothers affected by the eruption of Taal Volcano. Your contribution to the relief efforts is commendable,” ayon kay Cardinal Tagle.
Panawagan ng incoming Prefect for the Congregation of Evangelizations for People sa mamamayan at mga parokya na makipag-ugnayan sa Diocesan Caritas o mga Social Action Centers sa mga diyosesis ng Batangas, Cavite at Laguna na nangunguna sa misyon ng simbahang maghatid ng tulong sa mahigit 100-libong lumikas na indibidwal.
“We [RCAM] suggest that you contact their respective SAC directors to determine their needs and the manner of helping,” bahagi ng liham ng Cardinal.
Hinimok ni Cardinal Tagle ang mga nais magpaabot ng tulong na maari ring makipag-ugnayan sa Caritas Manila na nakikipag-ugnayan sa DSAC ng mga nabanggit na lugar.
“You may also contact Cáritas Manila to send your assistance since our Damayan people are in close coordination with the said SAC directors.”
Binigyang diin ni Cardinal Tagle na sa pagkakawanggawa higit na naabot ng mamamayan ang mga mahihinang sektor ng lipunan lalo na ang mga maralita.
Nagsagawa naman ng Damay Kapanalig Taal Telethon ang Caritas Manila at Radio Veritas upang makalikom ng pondo para matulungan ang mga apektadong diyosesis sa relief operations at rehabilitasyon sa kanilang mga lugar.