315 total views
Hinikayat ng opisyal ng Vatican ang mga mananampalataya na matutong itaguyod ang pangangalaga at pagpapanatili sa ating nag-iisang tahanan.
Ito ang mensahe ng Kanyang Kabunyian Luis Antonio Cardinal Tagle, Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples kaugnay sa programang National Laudato Si na inilunsad ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – National Secretariat for Social Action o Caritas Philippines at Global Catholic Climate Movement – Pilipinas.
Layunin ng programang ito na palaganapin ang wastong pagpapanatili at pangangalaga ng kalikasan na magsisilbing gabay ng mga simbahan sa buong bansa.
Ayon kay Cardinal Tagle, na pangulo rin ng Caritas Internationalis na hindi lamang ito upang ipahayag ang mga dapat gawin para sa kalikasan, kundi dapat mayroon ding pagkilos na magtataguyod sa karapatan at tunay na pangangalaga sa mga likas na yaman.
“Hindi lang ito pagkakataon para lang magkaroon tayo ng green rhetoric. No! Kailangan po may ecological conversion. Mayroon ding conversion to ecological justice at may action,” bahagi ng pahayag ni Cardinal Tagle.
Hinikayat naman ng Cardinal na patuloy na ipagdasal ang sangnilikha na nagsisilbi nang tahanan ng lahat ng nabubuhay magmula pa ng ito’y likhain ng Diyos.
Gayundin ang pagkakaroon ng sapat at simpleng pamumuhay na makatutulong sa kalikasan upang muling makapagpahinga mula sa iba’t ibang gawain ng tao.
Paliwanag ni Cardinal Tagle, ito rin ang magsisilbing pagkakataon upang makapagbahagi naman para sa kapwa lalo na sa mga higit na nangangailangan.
“At the same time we have the capacity to share with other people,” ayon sa Cardinal.
Binigyang-diin naman ng opisyal ng Vatican na nawa’y alisin na ang konsepto ng pagiging may-ari ng kalikasan sa halip ay isabuhay ang pagiging isang katiwala na tagapagtaguyod ng pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan.