170 total views
Cardinal Tagle nanawagan sa mga mananampalataya na ibahagi ang nilalaman ng The Gospel of Love.
Inilunsad ni Diocese of Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ang kanyang bagong aklat na “The Gospel of Love according to Juan/a” kasama ang co-author na si Nina L.B. Tomen.
Ipinaliwanag ng Obispo na ang aklat ay pangalawa sa mga aklat na the Gospel according to Juan and Juana.
Sa halip na maging sequel ng naunang aklat na “The Gospel of Mercy according to Juan/a,” itinuturing ito ng mga may akda na prequel ng naunang libro.
Nilalaman nito ang mga kuwento mula sa tunay na buhay na makapagbibigay inspirasyon sa bawat makakabasa ng aklat kung paanong gumagalaw ang pag-ibig ng Panginoon sa buhay ng mga tao.
Layunin din ng aklat na gabayan ang mga naliligaw ng landas at nagugulumihanan sa buhay upang makabalik ito sa Panginoon na pangunahing pinagmumulan ng pag-ibig, awa at habag.
Ibinahagi din ni Tomen na sa kanyang pag-aalay ng panahon at pag-ibig sa pagsusulat ng aklat ay nanariwa ang kanyang mga ala-ala kung paanong ipinakilala sa kanya ng mga taong kanyang minahal ang tunay na kahulugan ng pag-ibig.
“Kapag nagkuwento ka about love babalik sayo yung mga memories mo so pati yung mga memories ko nung elementary ako, bumabalik at naaalala mo yung mga taong nagpakita sayo ng kahulugan ng love, at nakikita mo rin yung spaces for love dun sa mga nangyayari ngayon na maraming killings, may drug war, pero nakikita mo na maraming spaces for love duon sa mga pangit na sitwasyon na marealize mo meron din palang puwang at love lang ang makakapag pabuti ng sitwasyon,” pahayag ni Tomen sa Radyo Veritas.
Kaugnay dito, umaasa si Bishop David na makapagbibigay inspirasyon ang aklat na the Gospel of Love according to Juan/a sa bawat mananampalataya upang ihayag din nito ang kanilang karanasan sa pag-ibig ng Panginoon.
“Kalulunsad lamang po namin ng aming bagong libro, “The Gospel of Love according to Juan/a,”at dalawa po kaming author dito, ang inyong lingkod at si Ms. Nina Lucia Bernarde Tomen. I am sure you will enjoy this book sana po basahin ninyo at kayo rin, I hope you are motivated to write your own stories after reading this book,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop David sa Radyo Veritas.
Samantala, pinuri naman ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang paglathala ng aklat dahil sa pamamagitan ng mga kuwento ng pag-ibig na nagpapatotooo sa pagmamahal ng Panginoon ay tunay na nagiging buhay ang Diyos at nananahan sa bawat tao.
Dagdag pa ng Kardinal, mahalaga ang ganitong uri ng mga aklat sa Simbahan na nagsisilbing boses ng mga maliliit na tao at inaapi sa lipunan.
Kaugnay dito hinimok ni Cardinal Tagle ang mga makakabasa ng aklat na ilahad ang mga nakukubling kuwento ng pag-ibig at kagitingan na namamayani sa mga mahihirap na Filipino.
“I urge the readers of this book to be story tellers of the many untold stories of love and valor present among the simple and the poor and humble in your personal lives, families, neighborhood, work places and parishes, love will conquer our fear.”panawagan ni Cardinal Tagle(Yana Villajos)