203 total views
Mahalagang alamin ng isang indibidwal ang pinagdadaanan ng kapwa upang matulungang lutasin ang mga suliraning kinakaharap.
Ito ang inihayag ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa kanyang talumpati sa pagbukas ng Conference on Mental Health na ginanap sa San Carlos Seminary Makati City.
Ayon sa Cardinal, mahalagang mauunawaan ng bawat isa ang iba’t ibang karanasan ng kapwa na nakararanas ng suliraning pangkaisipan tulad ng depresyon.
“Going to the experience of the one who suffers mental illness for us to understand,” bahagi ng talumpati ni Cardinal Tagle.
Iginiit ng Kaniyang Kabunyian ang kahalagahan na mahubog ang ispirituwalidad na pamumuhay ng isang tao upang mapalapit sa Panginoon at mapalawak ang pag-iisip at pag-uunawa ng tao sa bawat sitwasyon ng buhay.
Labis na ikinabahala ng Simbahan sa Pilipinas ang tumataas na kaso ng pagpapakamatay dahil sa mental illness na batay sa ulat ng Department of Health isa sa bawat limang Filipino ang nakararanas dito at nangunguna sa mga sanhi ng depresyon, schizophrenia, at labis na pagkabalisa.
Dahil dito, hamon ni Cardinal Tagle sa mga dumalo kung paano makatutugon ang Kristiyanong komunidad sa usapin ng mental illness at kung gaano kalawak ang pagkaunawa ng mga mananampalataya dito.
Layunin ng Conference on Mental Health na may temang “Ang Tahanang Gumuho sa Karimlan: Ang Pag-ukit ng Panibagong Tahanang Pinapangarap” na mapalakas ang pagtugon ng Simbahang Katolika sa suliranin ng mental health lalo na sa mga kabataan at makapagbalangkas ng mga wastong programang kakalinga sa mga mananampalatayang nakararanas ng mental illness lalo na ang mga naulilang biktima ng war against drugs ng pamahalaan.
Ika 21 ng Hunyo ng kasalukuyang taon ay nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte Mental Health Law kung saan napapaloob dito ang abot kayang halaga ng mental health services sa bawat Filipino.
Ang Mental Health coference na isinagawa dito sa San Carlos Seminary Makati City ay inorganisa ng Office of the Promotion of the New Evangelization ng Arkidiyosesis ng Maynila katuwang Quiapo Church at ilang grupo.