221 total views
Pinangunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang funeral mass para sa yumaong Bishop Leopoldo Tumulak ng Military Ordinariate of the Philippines.
Isinagawa ang misa sa St. Ignatius Cathedral Camp Aguinaldo, Quezon City na dinaluhan ng mga opisyal at miyembro ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police at mga kaaanak ng namayapang Obispo.
Sinabi Cardinal Tagle na nagkaroon siya ng pagkakataon na madalaw si Bishop Tumulak sa pagamutan na tila namamaalam na at nabanggit ng Obispo na natapos na niya ang ilang benepisyong nararapat para sa clergy ng military diocese.
Sa isang simpleng seremonya, naging masaya ang pagtitipon nang ikuwento ni Cardinal Tagle ang kanilang maigsing pag-uusap ni Bishop Tumulak habang nakaratay sa pagamutan.
Sinabi ni Cardinal Tagle na hindi nawawala sa Obispo ang kaniyang pagmamahal, pagiging totoo at pagiging payak. “Sabi niya sa akin, your Eminence kung ano man ang mangyari sa akin, I have tried my best to secure the clergy, the Military Odinariate, the medical and insurance they need. Kahit papaano may nasimulan na diyan,” ayon kay Cardinal Tagle.
Ibinahagi ni Cardinal Tagle ang kahilingan ni Bishop Tumulak na magpa-picture sila kasama ang kaniyang pamilya. “He said Your Eminence, can I have a favor nandito ang family ko puwede po bang magpapicture-taking. (nagkatawanan) On that note I said, wow! If this is goodbye, he did not lost his sense of humanity and his sense of humor even,” kuwento pa ni Cardinal Tagle.
Ang labi ni Bishop Tumulak ay dadalhin sa Shrine of St. Therese of the Child Jesus Pasay City para ihimlay sa kaniyang huling hantungan.
Dumalo rin sa funeral mass ang mga Obispo mula sa Ecclesiastical province of Manila na sina Bishops Honesto Ongtioco ng Cubao, Pablo Virgilio David ng Caloocan, Antonio Tobias, Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr.; Reynaldo Evangelista ng Imus; Broderick Pabillo ng Manila; sa Luzon na sina Archbishop Socrates Villegas at Bishop Elmer Mangalinao ng Lingayen-Dagupan; sa Visayas sina Archbishop Jose Palma at Bishop Dennis Espejo ng Cebu; Bishop Crispin Varquez ng Borongan; at mula sa Mindanao Arcbishops Romulo Dela Cruz ng Zamboanga; Martin Jumoad ng Ozamiz, at Romulo Valles ng Davao.
Si Bishop Tumulak ay namayapa sa sakit na pancreatic cancer noong Sabado, June 17 sa edad na 72.
Ang Obispo ay tubong Santander, Cebu. Inordinahan bilang pari noong 1972 at itinalagang Obispo noong 1987. Siya rin ay naitalagang Obispo ng Tagbilaran Diocese noong 1992.
Si Bishop Tumulak ang kasalukuyang chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP)-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care at dating chairman ng CBCP-Episcopal Committee on the Cultural Heritage of the Church.