151 total views
Pinangunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang pagpapasinaya sa kauna-unahang ‘Sanlakbay Recovery and Restoration Center’ sa Sta. Cruz Manila.
Ito ay sa pamamagitan ng Misa na dinaluhan ng mga nagtulong-tulong para sa pagpapatayo ng pasilidad na magiging daan sa tuloy-tuloy na paggaling ng mga Drug Addict na sumailalim sa 6 month program ng Sanlakbay Community Based Drug Rehabilitation.
Sa Homiliya ni Cardinal Tagle, binigyan diin nito na ang pag-ibig ang mahalagang sangkap tungo sa paghihilom.
“Maganda na nagsimula ang Sanlakbay sa Caritas. Pag-ibig talagang makakatulong ang iba’t ibang Approaches at Gamot pero kung walang pag-ibig hindi magkakaroon ng unang hakbang sa paghihilom,” ayon kay Cardinal Tagle.
Simula noong 2016 may 208 ng drug surrenderers ang nagtapos sa Sanlakbay.
Kabilang sa dumalo sa misa sina NCRPO deputy director Guillermo Eleazar, mga pulis; mga opisyal ng barangay sa Maynila; Fr. Bobby Dela Cruz ng Restorative Justice Ministry ng Caritas Manila; Fr. Anton Pascual, executive director ng Caritas Manila.
“Makipaglakbay sa mga kapatid natin na dumaraan sa ibat ibang uri ng kundisyon sa buhay na minsan ay pakiramdam ay nag-iisa sila sa buhay. Pero malaking bagay na na malaman ang lakbay ninyo at lakbay naming naglalakbay tayo.” Dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Sa kasalukuyan ang Archdiocese of Manila ay may 16 na Parokya na may programa para sa mga drug surrenderer.
Patuloy naman na hinihikayat ni Cardinal Tagle ang higit sa 80 parokya sa ilalim ng Arkidiyosesis na maging bahagi para sa programa at maging daan para sa pagbabago ng mga nagugumon sa masamang bisyo.
Una na ring inilunsad ng iba’t ibang simbahan sa Pilipinas ang pagkakaroon ng Community Based Rehabilitation bilang tugon sa malawakang problema ng bansa hinggil sa droga.
Bukod sa Sanlakbay ng Archdiocese of Manila ilan din sa may programa ng community based drug rehabilitation ang Salubong ng Diocese ng Caloocan; HOPE Center ng Diocese ng San Jose, Nueva Ecija; ang Labang ng Archdiocese of Cebu at 27 taon ng Galilee Homes ng Diocese ng Malolos na nagbibigay ng programa para sa lulong sa masamang bisyo.
Matatandaang higit sa 20,000 na ang napapatay na may kaugnayan sa illegal drugs na base sa Philippine National Police (PNP) ay pawang nasa Death Under Investigation.
Naninindigan ang Simbahan na sang-ayon sila sa paglaban kontra droga subalit hindi sa paraan ng pagpaslang kundi sa pagpapanibago sa mga Drug Addicts at Drug Pushers.