522 total views
Hinimok ng isang opisyal ng Vatican ang mga Filipino na ibahagi ang kaloob na pananampalatayang tinanggap sa buong mundo.
Ito ang mensahe ni Cardinal Luis Antonio Tagle, Prefect ng Congregation for the Evangelization of Peoples sa pagdiriwang ng ikalimang siglo ng kristiyanismo ng Pilipinas na ginanap sa Vatican.
Ayon kay Cardinal Tagle, bagamat may mga pagkukulang bilang tagasunod ni Kristo ay kinikilala naman ng bawat isa ang kahalagahan ng kristiyanismo sa paghubog ng kultura at pagkatao ng mga Filipino.
“The gift must continue being a gift. It must be shared. By God’s mysterious design, the gift of faith we have received is now being shared by the millions of Christian Filipino migrants in different parts of the world,” bahagi ng mensahe ni Cardinal Tagle.
Pinasalamatan ng Cardinal ang mga ninuno, mga misyonerong pari at layko na nagdala ng kristiyanismo sa Pilipinas noong 1521 kung saaan patuloy na ipinapayabong ng mamamayan.
Bukod sa mga pari, madre at relihiyoso ay malaki din ang papel na ginagampanan ng pamilya sa pagpapalago ng pananampalataya, mga guro sa mga eskwelahang humubog sa kabataan at ang mga katekista na katuwang ng simbahan.
Pinasalamatan din ng opisyal ng Vatican ang mahigit sampung milyong O-F-W sa ba’t-ibang panig ng mundo dahil sa masigasig na pakikiisa sa gawain ng simbahan na isang paraan upang mapalaganap ang pananampalataya.
Pinangunahan ni Pope Francis ang pagdiriwang ng banal na misa para sa 500 Years of Christianity sa St. Peter’s Basilica kasama sina Cardinal Tagle at Cardinal Anghelo de Donatis, ang Vicar ng Santo Papa sa Roma.
Hinikayat ni Cardinal Tagle ang mga Filipinong migrante na manatiling kumapit sa Panginoon at sa Mahal na Birhen sa mga panahong pinanghihinaan bunsod ng iba’t-ibang hamong kinakaharap sa buhay.
“When lonely moments come, Filipino migrants find strength in Jesus who journeys with us, the Jesus who became a Child (Santo Nino) and known as the Nazarene (Jesus Nazareno), bore the Cross for us. We are assured of the embrace of our Mother Mary and the protection of the saints,” giit ni Cardinal Tagle