328 total views
Ipinaalala ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na ang malalim na pananampalataya sa Panginoon ang tutulong upang makayanan ang mga pagsubok sa buhay.
Ito ang inihayag ng Cardinal sa isang misa ng pamamaalam sa yumaong si Rosita Ignacio, ina ni Rev. Fr. Yulito Ignacio.
Ayon kay Cardinal Tagle, sa panahon na nakararanas ang mga tao ng mga problema, pasakit sa buhay at pagkamatay ng minamahal, si Hesus lamang ang tanging makapagbibigay ng lakas sa mga nagdurusa.
“In the midst of all these, our faith teaches us to remain rooted in the Lord. Kapag naka kapit ka sa Panginoon hindi mo alam nakakayanan mo, masakit parin pero meron kang pinanghahawakan.” pahayag ni Cardinal Tagle.
Samantala, hinamon naman ni Cardinal Tagle ang mga mananampalataya lalo na ang mga magulang na ibigay ang pinaka dakilang pamana sa mga anak na pananampalataya.
Sinabi nito na mahalaga ang pagbibigay ng mga pisikal na pangangailangan, salapi at edukasyon sa mga anak at sa susunod na henerasyon.
Subalit, sa pagpanaw ng mga nakatatanda, pinaka dakila pa rin ang pagpapamana ng malalim na pananampalataya sa Diyos.
Ayon kay Cardinal Tagle, ito ang tutulong sa mga kabataan upang sa kanilang pagharap sa mga pagsubok ay masumpungan nila ang pagmamahal ni Hesus na magbibigay kalakasan upang mapagtagumpayan ang mga suliranin sa buhay.
“Mahalaga na magbigay ng pagkain, edukasyon, bahay, sa mga susunod na henerasyon, pero mahalaga na, ipasa ba natin ang pananampalataya? That will give them strength and stability when rough time comes, and we can say nothing will separate us from the Lord and Jesus will not allow anyone given to him by the Father to perish.”