217 total views
Pakikilakbay sa kabataan… ngayon at hindi lamang para sa hinaharap dahil ang kabataan ang magbubugkos tungo sa mas magandang mundo para sa lahat.
Ito ang ibinahagi ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa katatapos lamang na 15th Ordinary General Assembly of the Synod of the Bishops na ginanap sa Vatican.
“Parang naging slogan na ang kabataan ay ang future, pero doon (Synod) paulit-ulit ang kabataan ay ang present. Ang Simbahan ay hindi kumpleto kung hindi ibibilang ang mga kabataan ngayon, as they are!,” bahagi ng pahayag ni Cardinal Tagle.
Ayon kay Cardinal Tagle, ito ang kauna-unahang pulong na nakatuon lamang sa kabataan para pakinggan ang iba’t ibang sitwasyon ng kanilang kinakaharap sa iba’t ibang pagkakataon.
Binigyan tuon dito ang pagsalin ng pananampalataya, pagtulong na hanapin ang kanilang bokasyon at kung anong buhay ang kanilang tatahakin.
“Ang unang bahagi is recognizing the reality. Ano ang mundo ng kabataan ngayon? Tumingin o tignan? Ikalawa is yung interpretation in the light of faith, sa liwanag na dulot ng Salita ng Diyos turo ng simbahan at panalangin ano ang nakikita natin sa sitwasyon ng kabataan, so hindi lamang sociological, hindi lamang anthropological bagamat lahat yun ay kasama rin pero sa liwanag ng pananampalataya, at ang ikatlo ay pagpili ng aksyon direksyon na tatahakin,” ayon kay Cardinal Tagle sa panayam ng programang Veritas Pilipinas.
Paliwanag ni Cardinal Tagle na iba’t iba ang sitwasyon na kinabibilangan ng kabataan kabilang na dito ang kahirapan, migration, ang digital world, karahasan, digmaan at pag-uusig.
“They brought not only the pains but their hope, their energy to the Church,” ayon pa kay Cardinal Tagle.
Bawat isa ay nakararanas ng ‘Brokenness’ na nangangailangan tulong at kaagapay higit lalu sa pang-unawa ng Simbahan maging ng iba pang sektor sa lipunan.
“Ano yung pwede nating tugon sa mga pangangailangan ng kabataan? Lalo na doon sa dalawang bahagi na yun paano natin maipapasa ang pananampalataya kay Hesus sa kanila, at paano natin sila magagabayan. Ang buong simbahan ay hindi lamang mga pari at mga religious ito’y mga magulang, mga peers, mga teachers yung buong community paano natin magagabayan sila para matuklasan ang pakay sa buhay purpose in life calling sa kanilang mga profession. Palagay ko ito’y patu- patuloy nating pag uusapan, pag ninilayan at aaksyunan itong mga darating na taon,” ayon pa kay Cardinal Tagle.
Ayon kay Cardinal Tagle dahil sa magkakaibang sitwasyon sa bawat lugar sa bawat bansa isang framework at general guidelines ang binuo sa pagtatapos ng Synod na siyang ipapatupad sa kani-kanilang Diyosesis na aayon sa kanilang pangangailangan.
Dahil sa mga usaping ito, hinihimok ang bawat isa na pasukin ang mundo ng kabataan sa pagtuklas ng tugon sa kanilang mga karanasan at pagmimisyon ng Simbahan.
“The World of the Youth is a World of Mission to be explored by the Church,” dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Tema ng synod ang ‘On young people, the Faith and Vocational discernment’ na dinaluhan ng higit sa 300 mga obispo at kabataan mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Bukod kay Cardinal Tagle na una ng itinalaga ng Santo Papa Francisco bilang president delegate ng synod, kasama rin sa mga delegado sina Bangued Abra Bishop Leopoldo Jaucian, Legazpi Bishop Joel Baylon, Bacolod Bishop Patricio ng Catholic Bishops Conference of the Philippine-Episcopal Comission on Youth.
Magiging paksa sa Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) sa Enero ng susunod na taon para ibabahagi ang naging talakayan sa may isang buwang pulong kasama ang kabataan.
Tiniyak di ni Cardinal Tagle na ang paksa hinggil sa mga kabataan ay tamang-tama sa pagdiriwang ng Simbahan sa Pilipinas ng ‘Year of the Youth’.