1,331 total views
Nanawagan si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa publiko nang tulong para sa pangangalap ng pondo sa Youth Servant Leadership and Education Program (YSLEP) ng Caritas Manila.
Ang YSLEP scholarship program ng Caritas Manila ay nagbibigay ng tulong sa mga kabataan na walang kakayahan na makapagkolehiyo.
“At marami na po tayong graduate scholars at nanunungkulan na po sa ibat ibang larangan ng buhay.
Lalo na po noong natapos ang bagyong Yolanda napakarami pong mga taga-Visayas at Mindanao na humingi ng tulong sa Caritas Manila na kung maari ang kanilang mga anak na baka hindi magtuloy ng pag-aaral ay masuportahan,” ang pahayag ni Cardinal Tagle sa panayam ng Radio Veritas.
Sa kasalukuyan ay may limang libo ang YSLEP scholars ng Caritas Manila sa iba’t-ibang bahagi ng bansa maging sa Visayas at Mindanao.
Panawagan ni Cardinal Tagle para sa YSLEP: “Kaya mga kapanalig, mga kaibigan ang isa pong pamamaraan upang makatulong sa pagbabago ng buhay hindi lamang ng isang tao, kundi ng kanilang pamilya at ang kanilang barangay ay ang edukasyon. Sa inyo pong tulong dito sa YSLEP telethon, naku, ilang tao po ang maaring magbago ang buhay. Kaya sige na po, tumawag na po kayo at mag-pledge ng iyong tulong.”
Naniniwala ang kanyang Kabunyian na ang edukasyon ay hindi lamang nakakatulong sa kabuhayan ng mga estudyante kundi pagmumulat din sa mga kabataan ng katotohanan tungo sa kapayapaan.
Sinabi ni Cardinal Tagle, ngayon at kabi-kabila ang banta ng karahasan hindi lamang sa Pilipinas, kundi maging sa ibang panig ng mundo –ang edukasyon ang isa sa mabisang tugon para imulat ang kabataan sa katotohanan at malawak na pag-iisip.
“Pero ang isa, sa mabisa na paglayo sa mga kaisipan na lumalason sa kabataan lalo na para sila ay malihis ng landas, ang isang magandang tugon ay ang edukasyon. Kita naman natin na ang karahasan lalo na sa panahon natin ngayon ay nakadikit sa maling pag-iisip na ipinupunla lalo na sa kabataan. Kaya ang tamang edukasyon na magmumulat sa mga kabataan sa katotohanan at sa mas malawak na pananaw, ito po ay makakatulong hindi lamang sa kabuhayan kundi sa kapayapaan. Please, please tumulong po tayo sa ganito!” Giit pa ni Cardinal Tagle.
Una na ring nanawagan si Pope Francis sa mga lugar na may digmaan na itigil na ang kaguluhan lalo’t ang mga kabataan na nasa lugar ng digmaan ay napagkakaitan ng pag-asa at kinabukasan.
Ipinagpaliban naman ng Marawi City ang araw ng pasukan ng mga estudyante sa kanilang lungsod bunsod na rin ng patuloy na kaguluhan sa pagitan ng Maute Group at ng military para sa kaligtasan ng mga mag-aaral at mga guro.
Base pa sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority noong 2016, ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) kung saan nasasakop ang Marawi- din ang may pinakamalaking drop out sa rehiyon ng Mindanao na umaabot sa 14 percent na maaring bunsod ng problema sa peace and order sa lugar.