327 total views
“I have seen roofs being open, so that we can be brought near Jesus. Ang daming bubong na binuksan para makababa tayo at makarating kay Hesus.”
Ito ang mensahe ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, bilang paglalagom sa 3-day Philippine Conference on the New Evangelization na ginanap sa Quadricentennial Pavilion sa University of Santo Tomas na nagsimula noong July 28-30.
Ang mensahe ay para sa may 6,150 delegates na nakiisa sa pagtitipon na layuning muling pagyabungin ang pananampalataya at pagmimisyon sa lipunan tungo kay Hesus.
Ayon pa kay Cardinal Tagle, “Kapag sarado ang pinto maghanap kayo ng sugat, doon makakapasok ang pag-ibig.”
Paliwanag ni Cardinal Tagle, hindi madali ang pagmimisyon kung sarado ang bawat isa at sa halip ay humanap ng paraan sa pakikipag-ugnayan sa kapwa upang maging daluyan ng pag-ibig.
“How I wish that no parish becomes parochial. Parochial means narrow but becomes communion, when we open our doors,” ayon pa kay Cardinal Tagle.
Umaasa din si Cardinal Tagle na nawa ay magbunga ang pagtitipon na ang ating pagdaan sa mundo ay hindi pagdaan lamang ng walang misyon kundi ang paglalakbay na may hangarin na pagkalinga, pakikiisa at malasakit sa kapwa sa kabila ng pagkakaiba.
“We would not say that life is a constant wandering, but life is a journeying. Are we wandering or are we journeying? I would like to say that the shift is by making room for the others, help them with love and compassion,” ayon pa kay Cardinal Tagle.
Pinaalalahanan naman ni Most Reverend Bernardito Auza, Permanent Observer of the Holy See to the United Nations ang bawat isa para maging banal at misyonero ng ebanghelyo
Si Archbishop Auza ay kabilang sa nagbabahagi sa PCNE4 sa paksang “The Role of the Church in the Community of Nations.
Inamin din ni Archbishop Auza na ang pagmimisyon bilang mga katekista ay hindi naging madali simula pa noong panahon ni Hesus at maging sa kasalukuyan.
“We must be convinced that the primary mission of all of us is evangelization. We cannot evangelize if we do not have mercy and compassion,” ayon pa kay Archbishop Auza.
Mula aniya sa sinaunang panahon ay mayroon nang pag-uusig sa mga kristiyano maging sa kasalukuyan at ang hamon sa pagbabago ng panahon.
Subalit bilang mga misyonero ay hindi maaring huminto para sa isang natatanging misyon.
“If it has changed, we must how it has change and find new solution, new responses to new challenges,” paliwanag ni Archbishop Auza.
Bilang isang kinatawan ng Santo Papa, sinabi ng Arsobispo na ito rin ang kaniyang mandato sa United Nation upang maging gabay at tinig ng mga walang kapangyarihan.
Aniya, naging bahagi ang simbahan sa UN sa mga paninindigan sa usapin ng kapayapaan, ang pagtutol sa paglikha ng ‘arms of mass destruction’, pagbibigay tuon sa mga migrante at ang usapin ng modern slavery –ang human trafficking.
“We cannot be merciful if we do not experience God’s mercy…” ayon pa kay Archbishop Auza.
Naging bahagi rin ng talakayan sa PCNE ang pagpapahayag ng karanasan ng ilang sector kabilang na ditto ang mag-asawang sina Rowel and Mary Anne Aguiree bilang mga full time missionary sa iba’t ibang bansa na nakikilala ang Panginoon sa pamamagitan ng pagbuo ng ugnayan maging sa iba’t ibang lahi.
Si Hana Usman isang Muslim at peace advocate ay nagbahagi rin ng kanyang karanasan sa pagmimisyon sa mga lugar na may digmaan tulad ng Maguindanao at Marawi-ito rin ang nagbigay sa kaniya ng pagkakataon na makatulong sa kapwa maging sa kaniyang kapwa Muslim.
Nag-alay naman ng isang tula o spoken word si Usman na may titulong Naranasan mo na ba? –na tumatalakay sa diskriminisyong nagaganap sa lipunan –laban sa mga Muslim, mahihirap, mahihina at ang pagiging kakaiba na dapat nang maiwaksi.
“Ang pagyakap sa pagkakaiba ay tungo sa kapayapaan, at ang pagbabahagi sa kapwa ay susi ng kapayapaan. Kapayapaan na walang hanggan…” bahagi ng tula ni Usman.
Nagtapos ang 3-day PCNE4 sa pamamagitan ng isang misa na pinangunahan ni Most Reverend Salvatore Rino Fisichella, president ng Pontifical Council for Promoting the New Evangelization.