215 total views
Nananawagan si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa lahat ng parokya sa Archdiocese of Manila na buksan ang mga simbahan at tulungan ang mga residenteng apektado ng baha bunsod ng tuloy-tuloy na pag-ulan sa Metro Manila at karatig na lalawigan.
Hinimok ni Cardinal Tagle ang nasalanta ng baha na pumunta sa mga parokya, diocesan Caritas, social action centers at mga Barangay centers na nakahandang tumulong at kumalinga.
Inaanyayahan din ni Cardinal Tagle ang mga Good Samaritan na huwag mag-atubiling tulungan at damayan ang mga nangangailangan.
Tiniyak din ni Cardinal Tagle ang mga spektado ng baha at pag-ulan na kasama sila sa mga panalangin at mga misa ngayong linggo na iligtas sa kapahamakan.
Hinikayat din ng Kardinal ang lahat na ipanalangin ang kaligtasan ng mga apektado ng masamang panalangin.
“Una po sa lahat para sa mga naapektuhan ng ulan, ng baha kayo po ay kasama sa ating mga panalangin ngayon araw ng Linggo, mula pa ho kahapon, kagabi. Ang mga misa at ang mga panalangin ay may kasama na pakiusap sa Panginoon na alagaan ang mga apektado ng masamang panahon at inaanyayahan po ang lahat na patuloy na manalangin para po sa ating mga kapatid na napipinsala at lumapit po sa parokya o kaya po sa mga Diocesan Caritas at Social action Centers kung kayo po ay nangangailangan ng tulong. At para po naman sa mga handang tumulong at tayo po ay tinatawagan na sa iba’t ibang pamamaraan ay maging handa na tumulong ay maki-contact po sa parokya, sa barangay, sa Caritas at sa mga iba’t ibang Social Action Centers.” panawagan ni Cardinal Tagle sa panayam sa Radio Veritas
Pinaalalahanan naman ni Cardinal Tagle ang lahat na bahagi ng ating pagsunod kay Hesu Kristo ay pagtulong sa kapwa at pangangalaga sa kalikasan.
Ipinaalala ni Cardinal Tagle na ang pagkasira ng kalikasan ay pagkasira din ng ating buhay.
“Isa rin pong paala-ala sa ating lahat, lalo na po dito sa atin sa Archdiocese of Manila na naghahanda po tayo ng pagdiriwang ng “Season of Creation” at ang atin po “Laudato Si” conference of spirituality, paala-ala po na bahagi ng ating pagsunod kay HesuKristo bukod sa pag-aaral ng Salita ng Diyos, pagdalo sa panalangin at Sakramento, ang pagtulong sa kapwa ay ang pangangalaga, wastong pamamahala ng kalikasan. Sapagkat ang pagkasira ng kalikasan umuuwi rin sa pagkasira ng ating buhay. Kaya po ngayon kita natin dito, dumaan lang po ako sa Roxas Boulevard, ang tone-toneladang basura na ibinalik ng dagat dito sa lupa para bagang sinasabi nung dagat; di naman akin iyan nilagay mo dito sa akin, ayan binabalik ko sa inyo. Kaya yung sinasabi ni Pope Francis na kaisipan at kulturang tapon ng tapon at ang pinagtatapunan parang patapon na rin, wala tayong pasintabi, wala na tayong paggalang. Ito minsan tayo rin ang unang napipinasala ng kapinsalaan dulot din sa ating common home, sa ating iisang planeta, sa ating iisang tirahan. Kaya po bahagi nito panawagan, huwag na po tayong makadagdag sa ikasisira ng ating kalikasan.” pahayag ni Cardinal Tagle.
Ipinagdarasal ng Kardinal sa Panginoon na protektahan ang mga tao laban sa karahasan ng kalikasan.
“Mapagmahal na Diyos kinikilala ka namin bilang pinagmulan ng buhay ng kalikasan at ng lahat ng mabubuting bagay. Naniniwala rin po kami na nasa iyong mga kamay ang takbo ng panahon, ng ihip ng hangin, ulan, dagat at ng iba pang mga puwersa sa kalikasan. Protektahan nyo po ang mga tao lalo na ang mga dukha at walang kalaban-laban, laban po dito sa karahasan ng kalikasan. Humihingi rin po kami ng kapatawaran sa mg kalabisan namin na nakasisira sa kalikasan at sa kapwa tao. Sana po ang aming puso at mapuno rin ng pagkalinga sa kalikasan at sa kapwa tao. Hinihiling po naming ito sa ngalan ni Kristong aming Panginoon, Amen.” panalangin ni Cardinal Tagle.
Naunang humingi ng saklolo sa Simbahan si Rev. Fr. Rey Hector Paglinawan, Parish Priest – Most Holy Redeemer Parish Church – Masambong, Q.C. para sa evacuees.
Nanawagan din ng tulong Social Action Center ng Diocese of Kalookan at Antipolo para sa libu-libong residente na binaha at nanunuluyan sa mga evacuation centers.