2,725 total views
Ilalahad ni Italian Episcopal Conference President Cardinal Matteo Maria Zuppi sa Santo Papa Francisco ang mga natalakay sa pakikipagpulong sa mga opisyal ng Ukraine.
Kamakailan ay nagtungo sa Ukraine ang cardinal bilang kinatawan ng Santo Papa upang makipagpulong hinggil sa kalagayan ng bansa na patuloy nakararanas ng karahasan sa mahigit isang taong digmaan sa pagitan ng Russia.
Sa pahayag ng Vatican makatutulong ang resulta ng pulong sa paggawa ng hakbang ng simbahang upang matulungang mawakasan ang digmaang labis nakakaapekto sa pamayanan lalo na sa kabataan.
“The results of such talks will certainly be useful to evaluate the steps to continue to be taken both at the humanitarian level and in the search for paths to a just and lasting peace.” pahayag ng Holy See.
Matatandaang May 13 nakipagpulong si Ukraine President Volodymyr Zelenskyi kay Pope Francis sa Vatican at hiniling ang suporta sa pagkakamit ng kapayapaan sa Ukraine.
Sa datos ng UN High Commissioner for Human Rights mula nang sumiklab ang hidwaan ng dalawang bansa nasa 24 na libong Ukrainian ang apektado kung saan halos siyam na libo rito ang nasawi at 15-libo ang nasugatan.
Bago bumalik sa Roma nag-alay ng mga panalangin si Cardinal Zuppi sa ancient church of Santa Sophia.
Ang cardinal ay bahagi ng Sant’ Egidio Community sa Roma na aktibo sa justice and peace group na naging instrumento sa pagwawakas ng digmaan sa African region at civil war sa Mozambique noong 1992.
Patuloy ang panawagan ni Pope Francis sa mamamayan na ipanalangin ang pagkakamit ng kapayapaan ng Ukraine at Russia maging sa mga bansang may digmaan.