219 total views
Inihayag ng grupo ng mga iskolar ng Caritas Manila ang kahalagahan sa pagpanatiling malinis sa kapaligiran lalo na sa karagatan.
Ayon kay Manuel Tan, Pangulo ng Caritas Manila Alumni Scholars Asscociation (CAMASA) ito ang kanilang hangarin sa pakikilahok sa isinagawang clean up drive sa Manila Bay.
“Napakahalaga nitong proyekto na’ to dahil kailangan nating pangalagaan ang ating environment lalo na ngayon na napakalaki na ng mga nagiging disaster,” bahagi ng pahayag ni Tan sa Radio Veritas.
Paliwanag ni Tan na bagamat ito ang kauna-unahang pagkakataon na sumali ang CAMASA sa coastal clean up, tiniyak nitong magpapatuloy ang kanilang pakiisa sa Philippine Coast Guard para sa programa.
Giit ni Tan, nararapat lamang na paigtingin ang mga ganitong uri ng gawain upang makaiwas ang bansa sa mas masamang epektong dulot kalamidad lalu na ang maruming kapaligiran at puno ng basurang karagatan.
“Magiging yearly basis na, magiging advocacy natin to at sa tuwing anniversary mg CAMASA ay gaganapin natin ang clean up hindi lang dito sa Metro Manila kundi sa buong kapuluan,” dagdag ni Tan.
Ang CAMASA ay grupo ng mga nagsipagtapos na iskolar ng Caritas Manila mula pa sa dating Educational Assistance Program ng Arkidiyosesis ng Maynila at kasalukuyang tinatawag na Youth Servant Leadership Program na may 5, 000 iskolar na sa buong bansa.
Bukod sa CAMASA at Philippine Coast Guard Auxiliary, nakiisa rin ang Landbank, Maynilad, Polytechnic University of the Philippines, La Salle at iba pang mga unibersidad at mga establisimiyento sa Metro Manila.
Ito rin ay pagtugon sa tawag ng kalikasan na lubhang nanganganib dahil sa kasakiman, kapabayaan at kawalang paggalang ng tao sa sanlibutang nilikha ng Panginoon at nagsilbing tahanan ng bawat nilikha.
Sa tala ng Department of Public Services ng lunsod ng Maynila higit sa 2000 tonelada ng basura ang nahahakot sa buong lunsod o katumbas sa 500 trak ng basura araw-araw.
Una nang binigyang diin sa ensiklikal ni Pope Francis na Laudato Si ang panawagang gumawa ng hakbang upang mapanatiling malinis ang kapaligiran at mapigilan ang pagkasira nito kung saan nakasalalay ang buhay at kinabukasan ng susunod na henerasyon.