5,353 total views
Patuloy ang pag-apela ng tulong ng Caritas Caceres para sa mga nagsilikas na pamilya sa iba’t ibang parokyang kinasasakupan ng Archdiocese of Caceres.
Ayon kay executive director, Fr. Marc Real, hindi pa madaanan ang mga pangunahing kalsada patungo sa Naga City, kabilang na rito ang dalawang bayan, dahil lubog pa rin sa baha.
Sinabi ng pari na dahil sa mataas na antas ng baha, hindi madali ang paggalaw ng mga residente, maging ang pagsasagawa ng relief operations sa mga apektadong lugar.
“Hindi pa po madaanan ‘yung mga kalsada papunta dito sa Naga City. May dalawang bayan pa na dadaanan na lubog sa baha. Maraming parte sa Naga City ang mataas pa rin ang tubig kaya hirap din talaga kumilos,” ayon kay Fr. Real sa panayam ng Radio Veritas.
Sa huling tala ng arkidiyosesis, higit 30 parokya at institusyon ang binuksan ang mga simbahan at pasilidad upang patuluyin ang nasa higit 3,000 indibidwal na apektado ng malawakang pagbaha at patuloy na pag-uulan.
Pangunahing pangangailangan ng mga nagsilikas ang bigas, canned goods, gamot, maiinom na tubig, damit, at thermal o sleeping kits.
Sa mga nais magpaabot ng tulong, maaaring dalhin ang in-kind donations sa designated drop off points sa Archbishop’s Residence, mga parokya ng Immaculate Conception, Our Lady of Peñafrancia, at San Francisco sa Naga City; at Caritas Caceres office sa Pili.
Maaari namang ipadala ang cash donations sa account name na Caritas Caceres (Naga), Inc. sa Maybank account no. 01025000454; BDO account no. 001898018432; AUB account no. 105-01-000283-1; at GCash sa account na Marcel Emmanuel DP. Real sa numerong 0906-057-9426.
Para sa karagdagan at kumpletong detalye, bisitahin ang facebook page ng Caritas-Caceres Naga o Archdiocese of Caceres.
Batay sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot sa higit 970-libong indibidwal o higit 190-libong pamilya mula sa mga distritong saklaw ng Archdiocese of Caceres sa Camarines Sur, ang nagsilikas dahil sa pananalasa ng Bagyong Kristine.