197 total views
Labis ang pasasalamat ng Diocese of Gumaca sa lalawigan ng Quezon matapos na magbahagi sa kanila ang Caritas Damayan ng dalawang jetmatic pump para sa mga komunidad sa nasabing bayan na hirap sa tubig.
Ayon kay Rev. Fr. Tony Aguilar, Social Action Director ng Diocese, malaking tulong ang mga water pumps lalo na’t pahirapan ang pagkuha ng tubig sa ilang mga komunidad sa kanilang Bayan.
Nagpapasalamat si Fr. Aguilar sa Caritas Manila at Radyo Veritas na naging daan upang maisakatuparan ang layunin na makatulong sa mga residenteng hirap sa tubig.
“Malaking tulong itong mga water pumps na ito sa mga communities natin lalo na’t hirap sila sa mapagkukunan ng sapat na tubig,”pahayag ni Fr. Aguilar sa panayam ng Radio Veritas.
Ang proyekto ay nagkakahalaga ng halos P80 libong piso ayon sa Caritas Damayan ang sangay ng Caritas Manila na nakatuon sa Social and Health Services ng Simbahan.
Ikinagalak din ng mga residente ang proyekto sapagkat malaking gastusin para sa kanila ang pagkuha ng tubig.
“Malaki po ang pasasalamat namin dahil kapag walang tubig sa bayan pa kami kumukuha P100 pesos po ang apat na container” ani Saturnino Alcantara, isang Community leader sa Diocese of Gumaca.
Sa tala ng isang non-profit international NGO na Water.org, isang bata ang namamatay kada 21 segundo sa buong mundo dahil sa mga karamdaman na may kaugnayan sa kawalan ng malinis na tubig.