852 total views
Tiniyak ng Caritas Manila Damayan program na nakahanda ang Simbahan sa pagtugon sa mga sakunang maaaring kaharapin ng bansa ngayong tag-ulan.
Ayon kay Rev. Fr. Ric Valencia – Head Minister ng Caritas Damayan at Archdiocese of Manila Ecology Ministry, buong taong nakahanda ang relief items ng Simbahan para sa iba’t-ibang pangangailangan ng mga biktima ng sakuna, maging sunog o baha.
“All year round naman ang ating preparation, any kind of season pinaghahandaan natin yan pagdating sa relief operation,” pahayag ng Pari sa Radyo Veritas.
Dagdag pa ng Pari, bukod sa karaniwang mga pagkain na inihahanda ng Caritas Damayan para sa relief items, dinagdagan pa ito ng mga first aid kits at gamot para sa iba’t-ibang water borne diseases.
“Meron tayong mga nilalagay at dinadagdag na mga items doon na talagang specific para sa pagbabaha, for example mga gamot para sa alipunga, mga first aid na medisina para sa mga water borne diseases,” dagdag pa ni Fr. Valencia.
Read: http://www.veritas846.ph/simbahan-pinapalakas-ang-disaster-response-capability/
Bukod sa kahandaan sa mga natural calamities, ibinahagi ni Fr. Valencia, na nakahanda rin ang Simbahan sa pagtulong sa mga biktima ng man-made disasters tulad ng digmaan sa Marawi.
Ayon sa pari, nagpaabot ng 300-libong pisong tulong pinansyal ang NASSA / Caritas Philippines, 500-libong piso mula sa Caritas Manila at 100 sako ng bigas mula sa Caritas Tagum.