175 total views
Magkakaroon ng kauna-unahang Caritas Film Festival ang 9 na dioceses sa Visayas kaugnay ng paggunita sa ika 3 anibersayo ng bagyong Yolanda.
Ayon kay Jing Rey Henderson, senior communications officer ng NASSA-Caritas Philippines, ang mga pelikula ay ginawa ng 9 na dioceses kung saan ang kikitain sa proyekto ay itutulong din sa mga biktima ng Bagyong Lawin sa Batanes at iba pang diocese na biktima kamakailan ng bagyo.
“Magkakaroon din ng First Caritas Film Festival, kung saan sa January ang mga pelikula na ginawa ng 9 na diocese ay magkakaroon ng national road show para sa fund raising para sa ating mga kababayan sa Batanes at iba pang nasalanta ng Bagyong Lawin. Sharing also ng Yolanda affected dioceses sa ibang diocese na nasalanta ng bagyo, it’s their way of giving back yung mga tinanggap nilang tulong,” ayon pa kay Henderson.
Kaugnay nito, ayon pa kay Henderson, abala ngayon buong araw ang 9 na dioceses mula sa Visayas dahil sa iba’t-ibang aktibidad na sinimulan sa isang Misa.
Ayon kay Henderson, 7:30 ngayong umaga, isang Commemorative Mass ang isinagawa sa mass grave site sa Tanauan Plaza sa Leyte na pinangunahan ni Palo archbishop John Du at NASSA-Caritas Philippines national director archbishop Rolando Tria Tirona.
Dumalo rin sa Misa ang mga Social Action Center directors ng 9 na diocese, buong clergy ng Palo archdiocese, Local Government Units at ibat-ibang komunidad.
Matapos ang Misa, magkakaroon ng Caritas partners round table events sa Palo kung saan nagtipon-tipon ang lahat ng team ng Caritas Internationalis at iba’t-ibang organisasyon upang pag-usapan ang mga data ng transition at sustainability plan.
“7:30 am may commemorative mass sa Tanauan Plaza Leyte, isang mass grave site, dinaluhan ng 9 na dioceses sac directors, buong clergy ng archdiocese ng Palo, may LGUs, at 20 communities na sinerbisyuhan mula sa Palo…9am, may caritas partners round table event sa Palo, ang usual Caritas Country Forum, magkakaharap-harap ang mga team ng Caritas Internationalis and organization kasama ang mga LGUs. After matapos ng Haiyan, paano na ang mangyayari sa data, transition plan, sustainability plan, dito rin pag-uusapan, nasa 166 communities ang dumadalo, ano nangyari sa kanila after ng transition po exit sa kanila, inihahanda natin ito para tiyakin ang link ng rehabilitation and development…” pahayag ni Henderson sa panayam ng Radyo Veritas.
Dagdag ni Henderson, maliban sa photo exhibit, may awarding ceremony ring magaganap sa hapon kung saan 27 community leaders at members ang kikilalanin ang kanilang nagawang kabayanihan sa ginagawang pagbangon ng kanilang lugar kasama na ang pagbibigay ng pondo sa 2 barangay para sa kanilang community based-project proposal.
“May 27 community leaders and members na nakitaan natin ng heroism all throughout ng 3 year implementation, kikilalanin sila, then may awarding din, may funding grant na ibibigay sa 2 community worth P250,000 para sa kanilang community-based project proposal upang matiyak din natin na alam ng communities paano gumawa ng project proposal at paano mag-link para makahanap ng pondo, pag-uusapan din ang people’s survival fund paano ito i a-access, paano ang registration accreditation ng mga community based organization doon sa mga government agencies at kung ano-ano pa kasama na ang photo exhibit,” ayon pa kay Henderson.