430 total views
Nagsimula na ngayong araw ang proyektong Caritas Damayan Emergency Food and Non Food Assistance for COVID-19 Extreme Enhanced Community Quarantine Families ng Caritas Manila katuwang ang Caritas Germany.
Layunin ng programa na magbigay ng tulong sa may 4,525 na residente sa Barangay 201 Zone 20 Pasay City na nasasakupan ng Our Lady of the Most blessed Sacrament Parish, na isa sa mga lugar na idineklarang may pinakamaraming apektado ng Covid-19 sa lungsod at sumailalim sa Extreme Enhanced Community Quarantine ng ilang buwan.
Ang proyekto ay ginawa sa pagtutulungan ng Caritas Manila at Caritas Germany na nagbigay ng 100,000 Euros o mahigit sa P5 milyong piso.
Ayon kay Rev. Fr. Anton CT Pascual, Executive Director ng Caritas Manila, Malaking tulong ang ibinahagi ng Caritas Germany para sa patuloy na ayuda sa mga mahihirap na naapektuhan ng pandemya dito sa bansa.
Ipinaliwanag ni Fr. Pascual na ang pagtutulungan ng dalawang institusyon ng Simbahan lokal man o mula sa ibang bansa ay patunay lamang na kumikilos ang Simbahan Katolika para labanan ang krisis na dala ng Covid 19 Pandemic lalo na sa mga mahihirap at mga nagugutom.
“Nagpapasalamat tayo sa Caritas Germany sa kanilang ayuda para sa nga mahihirap na naapektuhan ng pandemya dito sa Pasay City. Alam naman natin na hindi lang kalusugan ang dulot na pinsala ng covid19 sa Pilipinas kundi mas matindi ang kabuhayan. Madami ngayon ang nagugutom at malnutrisyon sa mga bata. Nadagdagan ng 8-milyon ang mahirap. Ang tugon ng Caritas Germany na P5-milyong Piso ay malaki ang tulong sa mga urban poor sa krisis na ito. Ito ang tunay na charity in Action. We spread the CHARITY VIRUS contra Corona virus.” mensahe ni Fr. Pascual na siya ring Pangulo ng Radyo Veritas 846.
Tinukoy ng Caritas Manila ang mga “Poorest Among the Poor” na Pamilya sa nasabing lugar at siyang makakatanggap ng mga food packs na naglalaman ng bigas, de lata, pancit, dried fish, at munggo bukod pa sa mga Hygiene kits gaya ng Alcohol, Face Mask, Gloves mga sabon at maging mga Vitamins.
Tiniyak din ng nasabing Social Arm ng Archdiocese of Manila ang pagpapatupad ng social distancing at health protocol sa gagawing pamimigay ng ayuda.
Magugunitang una nang namahagi ang Caritas Manila ng mahigit sa P1.7 Bilyong halaga ng mga Gift Certificates katuwang ang iba’t-ibang Business Institutions sa buong Metro Manila at mga karatig lalawigan sa kasagsagan ng pagpapatupad ng Enchanced Community Quarantine sa bansa.