433 total views
Inihayag ng Commission on Laity ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mamamayan upang maibsan ang kahirapang dulot ng pandaigdigang krisis.
Kinilala rin ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, chairman ng komisyon ang ‘Caritas in Action’ ang bagong lunsad na programa ng Radio Veritas 846 na tututok sa pagbibigay ng tulong sa nangangailangan sa pamayanan.
Paliwanag ng obispo na ang Caritas ay nangangahulugang ‘love in action’ na dapat palaganapin sa lipunan.
“Mabuti ang bagong programang ito upang mas makatulong na ma-connect ang mga nangangailangan ng tulong at mga pwedeng magbigay ng tulong; lalo ngayong tumatagal ito [coronavirus pandemic] lalong tumitindi ang kahirapan ng tao kaya dapat talagang mas buksan ang ating mga puso na makatulong,” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Katuwang ng Radio Veritas ang Caritas Manila at iba pang grupo na nais maghatid ng tulong sa publiko.
Iginiit ng opisyal na ang pagtulong ay hindi lamang sa pamamagitan ng pinansyal kundi maging ang paglapit sa kapwa, pagbibigay aral o pagsasanay pang-kabuhayan upang maipakita na sa gitna ng kahirapan ay nagtutulungan ang mamamayan.
Tiniyak ni Bishop Pabillo na ang simbahan ay nakahandang lumingap sa nangangailangan ng tulong kasabay ng panawagan sa mananampalataya na magkaisa sa pagtugon sa pangangailangan ng kapwa na nahihirapan at labis naapektuhan ng pandemya.
“Magandang tanda na nakikita nila ang simbahan bilang pamilya kung saan kapag tayo ay nangangailangan lumalapit tayo sa ating pamilya at humihingi ng tulong; ipagpatuloy ninyo ang programa at sana patuloy tayong magtulungan sa isa’t-isa,” ani Bishop Pabillo.
Ang Caritas in Action ay pinangangasiwaan ni Rowel Garcia ang incharge ng disaster response unit ng Radio Veritas kasama ang social arm ng Archdiocese of Manila.
Mapakikinggan ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes, ala una hanggang alas dos ng hapon.
Maaring makipag-ugnayan sa himpilan sa 8925-7931 hanggang 39 para sa karagdagang detalye ukol sa nasabing programa.