390 total views
Magtutungo ang social arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa mga lugar na nasalanta ng Bagyong Odette sa Visayas at Mindanao.
Ayon sa pahayag ng NASSA/CARITAS Philippines, ito ay upang alamin ang kalagayan ng mga nasalanta at ang kanilang mga pangunahing pangangailangan na dapat tugunan.
Sa pihakahuling ulat ng Caritas Philippines, karamihan sa mga nagsilikas ay pansamantalang nanatili sa mga Parokya.
Tiniyak ng Caritas Philippines na nakikipag-ugnayan na rin ang iba’t ibang tanggapan ng Caritas sa iba’t ibang bansa hindi lamang para makiisa kundi para sa pagtulong sa mga nasalanta.
“Several Caritas Internationalis Member Organizations have responded not only with messages of solidarity, but offers to help-Caritas Española, CRS, Caritas New Zealand, Caritas Australia and CAFOD,” ayon sa Caritas Philippines.
Kabilang sa mga lugar na labis na nasalanta ng kalamidad ang mga lugar na nasasakop ng Arkidiyosesis ng Caceres, Cagayan De Oro, Palo, at Cebu, kasama ang mga Diyosesis ng Tagbilaran, Maasin, Bacolod, Dumaguete at Butuan na nangangailangan ng pagkain at maiinom na tubig.
Nanatili naming walang kuryente sa ilang mga apektadong lalawigan, gayundin ang linya ng komunikasyon habang ilang pangunahing kalsada rin ang sarado dahil sa mga tumumbang poste ng kuryente, mga baha at gumuhong lupa.
Nagpapasalamat naman ang social arm ng simbahan sa mga patuloy na nagpapadala ng tulong maging mula sa mga pribadong kompanya para sa agarang relief operations.
Sa pinakahuling pag-uulat ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), higit sa 330-libong katao ang lumikas mula sa may 262-barangay na sinalanta ng Bagyong Odette.