457 total views
July 1, 2020, 12:41PM
Bukod sa patuloy na pagtugon sa pangangailangan ng mahihirap na komunidad dulot ng banta ng novel coronavirus, naghahanda na rin ang Caritas Manila para sa pagbubukas ng eskwela ngayong Agosto.
Ayon kay Fr. Anton CT. Pascual, executive director ng Caritas Manila, mula sa 5-libong college scholars ay tumatanggap na rin sila ng mga bagong iskolar ng simbahan sa ilalim ng Youth Servant Leadership and Education Program (YSLEP).
Kabilang na ang mga pamilyang labis na naapektuhan ng krisis na dulot ng pandemic novel coronavirus.
“Kaya ang ating scholarship program na halos 5,000 ay sinisimulan natin, at kumukuha na din tayo ng bagong scholars na mga biktima ng Covid-19: Mga walang trabaho ang magulang. At the same time, pinag-aaralan din natin ng husto on how to help the poor help themselves,” ayon kay Fr. Pascual.
Ayon sa pinakahuling ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) ay umaabot sa 17-porsiyento ang unemployment rate ng bansa mula sa dating 5-porsyento noong nakalipas na taon.
Sa nasabing tala, ito ay karagdagang 5-milyon katao ang walang trabaho.
Sa buwan lamang ng Abril may 7.3-milyong manggagawa ang walang trabaho kasunod na rin ng nararanasang krisis dahil sa Covid-19.
Unang inihayag ni Fr. Pascual na bukod sa pamamahagi ng tulong sa urban poor communities, pinaghahandaan din ng Caritas Manila ang pagbibigay ng livelihood training sa mga mahihirap na komunidad upang magkaroon ng source of income.
Sa kasalukuyan dahil sa isinusulong na distance learning ng Department of Education (DepEd) ay umaabot lamang sa 15.9-milyon ang enrollment turn-out ng mga estudyante mula sa pribado at pampublikong paaralan para sa K-12.
Ang target ng DepEd na student enrollee sa pagbubukas ng klase sa Agosto ay 28-milyon.