248 total views
Itinuturing na biyaya ng Panginoon ang Caritas Manila.
Ito ang inihayag ni Rev. Fr. Anton CT Pascual, Executive Director ng Caritas Manila at Pangulo ng Radio Veritas kaugnay sa pagdiriwang ng ika – 65 anibersaryo ng social action arm ng Archdiocese of Manila.
Paliwanag ng Pari, malaki ang ginagampanan ng organisasyon sa lipunan sa pagtugon sa mga nangangailangan.
“Ang misyon ng Caritas Manila, ay tunay na pagmalasakit sa mga mahihirap, mga maysakit, mga bilanggo, at mga pinabayaan sa lipunan kaya’t ang 65 years na paglilingkod na ito ay grasya ng Diyos na ginamit niya ang Organisasyon (Caritas Manila) upang makatulong sa ating mga kababayan.” pahayag ni Fr. Pascual.
Sa panahon ng mga sakuna at kalamidad nangunguna ang Caritas Manila sa pagtugon sa mga nasasalanta at biktimang mamamayan sa pagbibigay tulong pisikal, pinansyal at ispiritwal.
Batay sa ensiklikal ni Saint Pope Paul VI na Populorum Progressio na ang paglaban sa kahirapan ay hindi lamang pagsusulong sa pagkatao ng isang indibidwal kundi mas pinalalakas at pinatatatag din ng Simbahan ang ispiritwal at moral na buhay ng tao.
Dahil dito tiniyak ng Caritas Manila ang patuloy na pagpapalago sa mga programang tulad ng Caritas Margins, Segunda Mana, Damayan Program, Restorative Justice at iba pa upang mas higit pang matulungan maiangat sa karukhaan ang mamamayan.
Batay sa tala ng Philippine Statistics Authority noong 2015 mahaigit 26 na milyong Filipino ang naghihirap at kalahati dito ay nakararanas ng labis na karukhaan sa buhay.
Itinatag ang Caritas Manila noong ika – 1 ng Oktubre 1953 sa pangunguna ni Cardinal Rufino Santos ang Arsobispo noon ng Archdiocese of Manila na layuning abutin ang mga mahihirap.
Samantala nasasaad din sa Populorum Progressio na itinuturing na Apostol at tagapagtaguyod ng tunay na pag-unlad ang mga indibidwal na tumutugon sa panawagan ng mga maliliit na sektor ng lipunan at walang pag-alinlangan pagkalinga sa bawat nangangailangan.