5,478 total views
Naghahanda na ang Caritas Manila sa second-round ng pagbibigay ng tulong sa mga naapektuhan ng bayong Kristine.
Ito ang inihayag ni Fr. Anton CT Pascual, executive director ng Caritas Manila kasabay ng isinasagawang Typhoon Kristine Telethon ng Caritas Manila at Radio Veritas.
Unang nagbahagi ng kabuuang 1.2 milyong piso cash ang social arm ng Archdiocese of Manila sa anim na diyosesis ng Bicol na labis na nasalanta ng kalamidad, kabilang na ang Archdiocese ng Caceres, Libmanan, Legazpi, Daet, Virac at Sorsogon.
Bukod sa anim na diyosesis, inihahanda naman ng Caritas Manila ang pagpapaabot din ng tulong sa mga diyosesis sa Southern at Central Luzon na hinagupit din ng malakas na bagyo.
“Papasok na ang ating second round sa iba pang mga dioceses na tinamaan ng bagyong Kristine hindi lang ang pala bicol region, at northern Luzon, nag SOS din ang mga taga southern tagalog, central Luzon tulad ng Batangas, Cavite at iba pang direktang natamaan ng bagyong Kristine, kaya’t napakalawak ang nasira sa Luzon dahil sa bagyong nagdaan,” ayon kay Fr. Pascual na siya ring pangulo ng Radio Veritas.
Patuloy din ang panawagan ng pari sa publiko na makiisa sa Caritas Manila Telethon na isang pagkakataon ng bawat isa na makapagbahagi ng tulong para sa mga higit na nangangailangan.
Pagpapakumpuni ng mga nasirang simbahan
Tiniyak din ni Fr. Pascual ang pagpapakumpuni ng mga nasirang mga kapilya na dulot ng bagyong Kristine.
Ayon sa pari, bukod sa relief, rehabilitation, mahalaga ring gawain ng Caritas Manila ang pagtulong sa pagpapagawa ng mga nasirang simbahan, lalo’t ito ang pangunahing kanlungan, lalo na tuwing may kalamidad.
Ang mga simbahan din ay nagsisiling lugar ng mga pagpupulong ng mga layko, at sentro ng pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan.
“Ang mga nasirang simbahan, nasirang kapilya. Kasi sa probinsya mahalaga ang kapilya kasi dito nagmimiting ang mga tao, pati DSWD-ginagamit nila ang kapilya ng simbahan para magdistribute sila ng ayuda. Kaya mahalaga sa atin itong mga chapel, mga simbahan. Nasira ang bubong, pader kailangan mayroon tayong restoration. Kaya ang support ng Caritas Manila, kapag may disaster ay relief, rehabilitation at restoration,” ayon pa kay Fr. Pascual.
Sa nakalipas na bagyong Yolanda, nakapagpagawa ang Caritas Manila ng may 100 mga kapilya sa Leyte at Samar.
“Kaya’t napakahalaga na kapag may sakuna, andyan agad ang simbahan sa kanyang prepositioning ng mga relief goods, kaya’t handa na ang ating social action center lalung-lalo na sa ating eastern boarder-ito kasi ang daanan ng bagyo. Kaya mayroon tayong apat na area dyan, isa sa Mindanao, Visayas, Bicol at sa upper north. Ito yung ating mga regional hub na tinatawag ng Damayan. Kaya’t mayroon na tayong contact dyan at alam na nating meron tayong SOP kapag parating pa lang ang bagyo,” ayon pa sa pari.
Muling nanawagan si Fr. Pascual ng pakikiisa at pagtulong sa mga nasalanta lalo’t umaabot sa dalawang milyong katao ang direktang naapektuhan ng bagyong Kristine.
“Mahalaga po na tayo ay makapagbigay ng ayuda at makapagbigay ng pag-asa. Kaya’t nawa’y maibsan ang kanilang paghihirap at kawalan ng pag-asa sa pamamagitan ng mga taong may kabutihan. Kaya’t tulungan natin ang gobyerno, nagtulong-tulong ang private sector, civil society, NGO at ang simbahan upang makatulong tayo sa pamamagitan ng relief, rehab at restoration,” ayon pa sa pari.
“Hindi naman importante kung gaano kaliit o kalaki, ang mahalaga tayo ay tumulong in-cash or in-kind, para madama ang presensya ng ating simbahan ng ating pananampalataya na nagmamalasakit, lalong-lalo na sa nangangailangan.”