147 total views
Binigyang diin ng Caritas Manila Restorative Justice Ministry ng Archdiocese of Manila ang apat na programa nito na tutulong sa mga taong nalulong sa iligal na droga na nais magbagong-buhay.
Ayon kay Caritas Manila executive director at Radyo Veritas president Rev. Fr. Anton CT Pascual, sa ilalim ng SANLAKBAY Tungo sa Pagbabago ng Buhay, isang community-based rehabilitation program, kabilang sa alay nito ang pagbibigay ng values formation, counseling, livelihood and training at ang sports development and culture.
“Una values formation, mahalaga na makapagbalik loob sa Diyos; ikalawa ang counseling ang one on one kasama ng pamilya, ikatlo ang livelihood and training, alam natin yung mga sumuko hanapbuhay nila noon ang pagtitinda ng droga kaya kailangan mabigyan sila ng alternatibong pagkakakitaan na matino at legal at ang ikaapat of course mahalaga din ang Sports development and culture kasama yan sa tinatawag nating total human development,” pahayag ni Fr. Pascual sa panayam ng programang Veritas Pilipinas sa Radyo Veritas.
Ayon pa kay Fr. Pascual… ”ang SANLAKBAY Ito ay pinalawak natin ang restorative justice ministry, sa ngayon may ginagawa tayong comprehensive program sa mga bilango at nakalaya at upang makiisa sa programa ng pamahalan laban sa iligal na droga, ang simbahan napakahalaga ng kanyang misyon upang ipalaganap ang awa at pagtulong ng Diyos kaya nagkaroon tayo ng preventive restorative justice na tinatawag nating SANLAKBAY, ito ang ating spiritual journeying, ito ang ating drug rehab and restoration program ng Archdiocese of Manila sa pamumuno ni cardinal Tagle.”
Pahayag ni Fr. Pascual, pakikiisa ito ng Simbahang Katolika sa administrasyong Duterte sa pagsugpo sa iligal na droga sa pamamagitan ng pagtulong sa mga drug surrenderers na nais magbagong buhay.
“Nakikiisa tayo sa kanilang paglalakbay at ginagabayan ng Diyos ang ating mga drug surrenderers at kasama ang kanilang mga pamilya sa awa ng Diyos at sa tulong ng Simbahan, tayo ay nakipag-partnership sa pamahalaan, alam natin meron silang MASA MASID (Mamamayang Ayaw Sa Anomalya, Mamamayang Ayaw Sa Iligal na Droga) program, ito ang kanilang programa kasama ang faith-based community diyan, at sa mga sumukong drug addicts 90% ay maraming matulungan sa pamamagitan ng community based intervention at yan napakahalaga ng papel ng ating Simbahan.
Nakatakda itong ilunsad sa Linggo October 23, alas 10 ng umaga sa Manila Cathedral sa pamamagitan ng isang Banal na Misa na pangungunahan ni cardinal Tagle.
http://www.veritas846.ph/church-community-based-rehab-ilulunsad/