64,940 total views
Nagpapasalamat ang Caritas Manila sa lahat ng patuloy na nakikiisa sa mga programa ng simbahan na ang layunin ay tulungan ang mga higit na nangangailangan.
Ito ang mensahe ni Fr. Anton CT Pascual, executive director ng Caritas Manila sa Caritas Manila Alay Kapwa Telethon na inilalaan ng simbahan sa pagtulong sa mga higit na nangangailangan lalo na ang mga biktima ng kalamidad tulad ng bagyo at lindol.
Sinabi pa ng opisyal na ang Alay Kapwa ng Caritas Manila ay pagkakataon nang pagtulong sa kapwa sa pamamagitan ng pagmamalasakit maging sa napapabayaan ng lipunan.
Ayon pa kay Fr. Pascual ang Alay Kapwa ay isang kongkretong hakbang na ang pananampalataya na nakikita sa gawa.
“Unang-una ang ating pinapalaganap dito ang pananampalataya na nakikita sa gawa. Sabi nga sa John 1:4 ang bunga ng tunay na pananampalataya ay pag-ibig at hindi kasakiman, karahasan ang bunga ng pananampalataya ay pag-ibig dahil ang diyos ay pag-ibig at ang pag-ibig na ito ay nakikita sa ating pagmamalakasakit lalung lalo na doon sa napapabayaan sa lipunan mga nasa laylayan mga may sakit mga biktima ng kalamidad,” ayon kay Fr. Pascual.
Ipinaliwanag ng pari na ang pananampalataya ay pag-ibig hindi kasakiman at karahasan dahil ang Diyos ay pag-ibig at ito ay naipapakita sa ating pagmamalasakit sa ating kapwa.
At sa karaniwang pagkakataon, ang mga dukha ang palagiang biktima ng kalamidad sapagkat sila ang hindi nasa magandang kalagayan, kulang sa edukasyon, sa pananalapi, kasanayan at nutrisyon.
Layon ng Caritas Manila Alay Kapwa telethon na makalikom ng 5-milyong pisong donasyon para sa mga programa ng institusyon sa mahihirap at biktima ng kalamidad.