771 total views
May 15, 2020, 1:22PM
Umabot na sa P5.7 Million Pesos ang financial assistance na ibinahagi ng Caritas Manila sa may 21 Diyosesis sa Pilipinas na naapektuhan ng krisis dulot na mga ipinatupad na Community Quarantine sa bansa dahil sa banta ng COVID-19.
Ayon sa pinakahuling datos na inilabas ng Caritas Damayan, ang Disaster Response and Crisis Program ng Caritas Manila, Ang P5.7 Milyong piso ay nilaan para sa patuloy na isinasagawang relief operation ng 21 Diyosesis sa bansa sa mga mahihirap na residente na naapektuhan ng lockdown.
Pinakamalaki ang pondo na naibahagi sa Diocese ng Tagum sa Davao Del Norte, Antique at Romblon kung saan kapwa nakakuha ito ng tig P500 libong piso habang P300 libong piso naman ang sa Archdiocese ng San Fernando sa Pampanga, Diocese ng Ilagan sa Isabela at Apostolic Vicariate ng Bontoc-Lagawe sa Mt. Province at Ifugao.
Kapwa din nakakuha ng tig P200 libong piso ang Diocese ng Tarlac, Laoag Ilocos Norte, Sorsogon, Masbate, Libmanan, Daet Camarines Norte, Mati Davao Del Sur, San Jose Nueva Ecija, Virac Catanduanes, Legaspi Albay, Kalibo Aklan at mga Arkidiyosesis tulad ng Lipa sa Batangas, Nueva Segovia sa Ilocos Sur at Caceres sa Camarines Sur maging ang Apostolic Vicariate ng Puerto Princesa sa Palawan.
“Tayo ay tumulong sa mahigit dalampung probinsya sa Luzon, Visayas at Midanao para maitulong din nila sa mga nangangailangan at sa mga mahihirap na ngayon ay lalong nahihirapan dahil sa paghinto ng kanilang mga hanap-buhay maging sila ay nasa mga probinsya” Pahayag ni Fr. Anton CT Pascual, Executive Director ng Caritas Manila.
Ang tulong ay naipa-abot sa pamamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng Radyo Veritas sa mga apektadong Diyosesis.
Magugunitang unang nagsagawa ng pagbabahagi ng mga Gift Certificates ang Caritas Manila katuwang mga Business Sector sa buong Metro Manila at mga karatig lalawigan gaya ng Rizal, Bulacan, Laguna at Cavite na umabot sa mahigit P1.3 Bilyong piso.
Patuloy din ngayon ang relief distribution ng nasabing Social Arm ng Archdiocese of Manila sa iba’t-ibang mga Parokya, kongregrasyon at Church Organizations kung saan umabot na sa mahigit 630 libong indibidwal ang kanilang naaabot o halos 120 libong Pamilya.
Kaugnay nito, umaabot na sa 10.8-milyong individuals ang nabigyan ng tulong ng Simbahang Katolika na apektado ng COVID-19 pandemic.