403 total views
Patuloy na naghahanap ang Caritas Manila ng mga nais maging volunteer at maging lingkod ng social arm ng Archdiocese of Manila.
Sa panayam ng programang Caritas in Action, sinabi ni Ms. Armielyn Sta. Maria, Formation Coordinator ng Caritas Manila Institute of Servant Leadership and Stewardship o Caritas Manila-ISLaS, na bukas ang kanilang tanggapan para sa mga gustong maging kabahagi ng pagtulong sa mga mahihirap at nangangailangan.
Kasabay ng pagpapatupad ng alert level 1 sa Metro Manila, mas naging aktibo ang Caritas Manila-ISLaS sa mga on grounds activity na nangangailangan ng mga indibidwal na ninanais makapaglingkod ng walang hinhintay na anumang kapalit.
Sinabi ni Sta. Maria na maaaring makipag-ugnayan sa tanggapan ng Caritas Manila ang mga nais maging miyembro ng ISLaS Volunteers.
“Pagkakataon na po natin ito na yun may mga mabuting puso at bukal ang kanilang kalooban sa paglilingkod sa kapwa kami po ay bukas para sa mga kapanalig na gustong magbigay ng paglilingkod,” pahayag ni Sta. Maria.
Kahit anong edad at katayuan sa buhay ay maari maging volunteer ng Caritas Manila.
“As long as kayang magbigay ng serbisyo, sa ngayon yung mga Senior [Citizen] nilalagay natin sa council of Elders, si Caritas Manila po walang tinatanggihan kung gustong maglingkod, sila ay merong papalooban na programa para sila ay makatulong pa sa mas nakakarami,” pahayag ni Sta.Maria
Nagpapasalamat naman ang Caritas Manila sa may 2,500 volunteers nito sa Arkidiyosesis ng Maynila na hindi matatawaran ang pagseserbisyo para sa mga mahihirap lalo na sa kasagsagan ng mga quarantine restriction dahil sa COVID-19.
Magugunitang sa kabila ng pandemya ay naging aktibo ang Caritas Manila sa pamamahagi ng ayuda katuwang ang ilang mga pribadong sektor.
Taong 2020, nang maipamigay sa pamamagitan ng Oplan Ugnayan ng Caritas Manila at private sector ang may mahigit 1 bilyong pisong halaga ng gift certificates sa National Capital Region at mga karatig lalawigan para sa mga mahihirap na naapektuhan ng nationwide lockdown sa pangunguna ng mga volunteers.