3,353 total views
Nagpahayag ng pakikiisa ang Caritas Manila sa social arm ng Simbahang Katolika sa Ukraine.
Ayon kay Rev. Fr. Anton CT Pascual, Executive Director ng Caritas Manila, malinaw na walang nagtatagumpay sa digmaan at tanging nagiging resulta nito ay kapahamakan at paghihirap para sa mga mamamayan ng hindi nagkakasundong lider ng mga bansa.
Ito ay matapos na maglabas ng video ang Caritas Internationalis kung saan inilahad ng kinatawan ng Caritas Ukraine ang sitwasyon sa kanilang bansa lalo na ng kanilang mga kababayan na apektado ng digmaan.
Naniniwala si Fr. Pascual sa kahalagahan ng mapayapang dayalago at hangarin ng pagkakasundo sapagkat walang nalulutas ang karahasan.
“Ang Caritas Manila ay kaisa ng Caritas Ukraine sa digmaan na nagaganap sa kanilang bansa sa kasalukuyan. Ang hindi pagkakaunawaan ay hindi nalulutas ng karahasan. Walang tagumpay sa tuwing may digmaan. Lahat ay talo, Diyalogo at pakikinig na may hangaring magkasund ang dapat pairalin.”pahayag ni Fr.Pascual sa Radio Veritas
Ika-24 ng Pebrero taong kasalukuyan ng magdeklara ng digmaan ang Russia laban sa Ukraine na nagresulta sa pagkawala ng maraming buhay at pagkasira ng mga establisyemento sa bansa.
Umaapela din ng panalangin si Fr. Pascual para sa mga apektado ng digmaan at maging sa mga nagsusumikap na gumawa ng humanitarian efforts sa kabila ng kaguluhan doon.
“Itigil na ang digmaan at mag-usap upang magkasundo, ipinagdasal natin ang bansang Ukraine [sapagkat] walang imposible sa Diyos.” Pahayag pa ni Fr. Pascual na siyang Pangulo din ng Radyo Veritas 846.
Unang nanawagan ang Santo Papa Francisco para sa kapayapaan at tigil putukan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Nagkaisa na rin ang mga bansang kasapi ng United Nations sa panawagan ng Russian troops fullout sa Ukraine na ipinagkibit-balikat lamang ni Russian President Vladimir Putin.