300 total views
Isang milyong pisong ang inisyal na tulong na inihahahanda ng Caritas Manila, ang Social Arm ng Archdiocese of Manila para sa mga diyosesis na masasalanta ng bagyong Ompong.
Sa panayam ng Veritas Pilipinas, sinabi ni Father Anton CT Pascual, Executive Director ng Caritas Manila at Pangulo ng Radio Veritas na magpapadala na ang Caritas Manila ng tig-200 libong piso sa mga lugar na inaasahang labis na maapektuhan ng bagyo.
“Cash ang ibibigay natin, nagpre-position ng mga at least P200 thousand na minimum ibigay natin sa mga diyosesis dito sa Batanes, Tuguegarao, Ilagan, Laoag, Tabuk, na tatamaan ng pagdaan ng bagyo. Para makahanda na sila ng relief operation, medicine, food para mabilis ang pagtugon ng simbahan,” pahayag ni Fr. Pascual sa panayam ng Veritas Pilipinas.
Hangad ng simbahan na makapaghatid ng tulong sa loob ng 24 hanggang 48 oras sa mga apektadong lugar.
Kabilang sa mga padadalhan ng tulong ng Caritas Manila ang Prelature of Batanes; Arkidiyosesis ng Tuguegarao, maging sa diyosesis ng Laoag, Tabuk at Ilagan upang kagya’t na makapaghatid ng tulong sa mga residente dahil sa bagyong Ompong.
Kaugnay nito, nagpaabot na rin ng panalangin si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle para sa kaligtasan ng buong bansa sa banta ng hagupit ng bagyong Ompong.
Ayon kay Father Pascual, ito ang ipinadalang mensahe ng kaniyang kabunyian na kasalukuyang nasa Poland.
Sa katuruan ng simbahan bawat isa bilang mga kristiyano ay tinatawagan na tingnan hindi bilang suliranin ang paghihirap ng kapwa kundi isang pagkakataon ng pagmamalasakit at pagtulong sa kapwa.
Ayon pa sa Cardinal, bukod sa paghahanda ay hinihikayat din ang bawat isa sa patuloy na manalangin na maipag-adya ang Pilipinas sa mapaminsalang bagyo.
Naunang nanawagan ang mga Obispo ng panalangin para sa mamamayan na maaapektuhan sa hagupit ng bagyong Ompong.
Read:
Simbahan, Umaapela ng panalangin
Archdiocese of Palo, nanawagan ng panalangin para sa mga lugar na tatamaan ng bagyo
Cardinal Tagle, nagpahayag ng pag-aalala sa mga lugar na tatamaan ng bagyong Ompong
Sa tala ng Philippine National Red Cross (PNRC), tinatayang aabot sa pitong milyon katao ang posibleng maapektuhan ng bagyong Ompong kung saan tatlong milyon sa mga ito ang direktang maapektuhan ng malakas na bagyo.