385 total views
Hinikayat ng Caritas Manila ang mga kapanalig at mananampalataya na makibahagi sa isinasagawang Caritas Manila Pasko AYUDA 2021 Typhoon Odette Relief and Rehabilitation Program.
Umaabot naman sa higit P3M ang ipinadalang tulong ng Caritas Manila sa mga diyosesis sa mga lalawigang naapektuhan ng bagyong Odette na may international name na typhoon Rai.
Ayon kay Fr. Anton CT Pascual-executive director ng Caritas Manila at pangulo ng Radio Veritas, tig-P500 libong cash assistance ang ipinadala ng social arm ng Archdiocese of Manila sa mga diyosesis kabilang na ang Talibon, Tagbilaran, Surigao, Butuan, at Archdiocese ng Cebu.
Hangad din ng Caritas Manila na magbigay pa ng karagdagang tulong o kabuuang isang milyong piso sa bawat apektadong diyosesis.
Tiniyak naman ng pari na bagama’t labis ang pinsala ay kagya’t na maipaparating ang tulong sa mga pamilyang apektado ng bagyo sa pamamagitan na rin ng pakikipag-ugnayan sa kalapit na diyosesis na hindi apektado ng bagyo.
“Pag-hindi kaya ng affected diocese, ating ina-activate ang plan B kasi ‘yung malapit na diocese na hindi naapektuhan tulad ng Surigao ang ating kausap ay ang Diocese ng Butuan sina Fr. John Young, sila ang mag-aayuda sa Surigao,” ayon kay Fr. Pascual.
Nagpapasalamat naman si Fr. Pascual sa mga nagbibigay ng tulong lalo na sa mga pamilyang nanatili sa mga evacuation centers.
Una na ring nagsagawa ng second collection ang 85-parokya ng Archdiocese of Manila para sa mga biktima ng bagyong odette.
Ayon namn kay Hilda Abedillo-Garcia Program Manager Caritas Damayan, hangad ng simbahan na kagya’t na makapagbigay ng tulong sa mga naapektuhan ng bagyo.
Bukod sa mga in-kind donation, mas hinikayat ang mga ‘donor’ na magpaabot ng cash donations upang mabilis na makarating ang tulong at makatulong sa lokal na ekonomiya ng bawat lalawigan.
“So, ang pinakamadali para makapagpaabot ng tulong ay ang ating mumunting ng financial assistance ito ay initial ano man ang maabot natin para may nangyayari nang pagbabago at pamimili ng supplies doon at maipamigay na po dun sa mga evacuees. Ang kailangan nila ay pagkain, tubig, gamut yan po ang ating kailangan for basic survival,” ayon kay Garcia.
As of 10 am, umaabot na sa 6.4 million ang natatanggap na pledge ng Caritas Telethon na nagsimula ika-anim ng umaga hanggang sa ika-pito ng gabi.
Maari ring magpadala ng donasyon sa himpilan ng Radio Veritas at tanggapan ng Caritas Manila.
Para sa karagdagang impormasyon magtungo lamang sa Caritas Manila Facebook page para sa mga bangko at e-wallet application na maaring magpadala ng donasyon.
Diocese of Tagbilaran
Bukod sa mga nasirang bahay, nagkalat din ang mga nabunot na mga puno sa lalawigan ng Bohol sanhi ng malakas na bagyo.
Ayon kay Tagbilaran Bishop Alberto Uy, nakakalungkot ang kalagayan ng mga residente sa kasalukuyan lalo’t hindi rin sapat ang pagkain at maiinom na tubig.
‘We are in a bad shape right now at very difficult to see all the damages, devastation and to see all the people suffering, it’s really tough,’ ayon kay Bishop Uy.
Ikinalulungkot din ng obispo ang pagkasira ng mga puno lalo’t pangunahing pinag-iibayo ng diyosesis ang pangangalaga sa kalikasan tulad ng pagtatanim ng mga puno.
Isa rin ang Bishop’s residence sa nasira ng bagyo gayundin ang ilang lumang simbahan na katatapos lamang isaayos nang masira ng lindol noong 2013.
Ipinapaabot din ng obispo ang pasasalamat sa Caritas Manila sa natanggap ng tulong upang makapagsimula sa pagbibigay ng pangunahing pangangailangan ng mga residenteng lumikas.
Diocese ng Talibon
Nanatiling walang kuryente ang buong lalawigan ng Bohol.
Ayon kay Fr. Pepe Gupita, social action director ng Diocese ng Talibon nanatiling walang suplay ng kuryente sa buong lalawigan ng Bohol habang sa bayan ng Talibon ay wala ring komunikasyon o signal ng cellular phones.
Si Fr. Gupita ay kasalukuyang nasa Tagbilaran upang maihatid ang kasalukuyang sitwasyon ng diyosesis at mananampalatayang nasasakupan.
‘Talagang kailangan namin ang tulong ngayon,’ ayon kay fr. gupita ng talibon.
Ayon sa pari, higit na kinakailangan ng mga biktima ay ang pagkain, maiinom na tubig at mga gamot.
Inihayag din ng pari na bagama’t nagsagawa ng preventive evacuation ang Bohol, isang buong pamilya mula sa bayan ng Ubay ang kabilang sa nasawi mula sa 74 na bilang na namatay dahil sa bagyong odette sa lalawigan ng Bohol.
Kabilang ang diyosesis ng talibon sa pinadalhan ng Caritas Manila ng 500-libong piso bilang paunang tulong sa isasagawang relief operations sa mga apektadong pamilya.