234 total views
Tiniyak ng Caritas Manila, social arm ng Arkidiyosesis ng Maynila ang kahandaan sa anumang kalamidad o sakunang maaring manalasa sa bansa partikular na tuwing huling bahagi ng taon.
Ito ang inihayag ni Rev. Fr. Ric Valencia – Priest-In-Charge ng Caritas Manila Damayan sa pinangangambahang pananalasa ng paparating na bagyo na may international name na “Hagibis” sa karagatang sakop ng bansa.
Ayon sa Pari, laging nakahanda ang Caritas Manila Damayan na tumugon sa iba’t-ibang uri ng kalamidad at sakuna sa bansa.
“sa Caritas Manila tayo ay lagi namang naghahanda para sa anumang mga sakunang dumarating sa ating bansa, itong last quarter of the year dito natin nararanasan lagi ang mga mabibigat na kalamidad dala ng iba’t-ibang natural and man-made kaya’t ang Caritas Manila ay inaasahan na maghanda lagi sa mga ganitong panahon…” pahayag ni Fr. Valencia sa panayam sa Radyo Veritas.
Batay sa monitoring ng PAGASA Weather Forecasting Center, mababa na ang tiyansa na pumasok ang naturang bagyo sa karagatang sakop ng bansa na huling namataan sa layong 2,020-kilometro Silangan ng Hilagang Luzon, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 200 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugsong aabot sa 245-kilometro kada oras.
Patuloy rin itong kumikilos sa direksyong pa-hilagang kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Gayunpaman sakaling muling lumihis ng direksyon at pumasok ng Philippine Area of Responsibility ay tatawagin itong Bagyong Perla na ika-16 na bagyo mula sa karaniwang higit 20-bagyo kada taon.
Umaapela naman tulong sa mga mananampalataya si Fr. Valencia upang makalikom ng sapat na pondong kakailanganin sa paghahanda sa mga kalamidad at sakunang maaring manalasa sa bansa.
Sinabi ng Pari na mahalagang makalikom ng sapat na pondo ang Caritas Damayan upang makapaghanda ng relief goods para sa mga maaring maapektuhan ng kalamidad.
“Sa panahon din na ito kami ay masidhing nanghihingi ng anumang maitutulong ng ating mga kapanalig o kababayan para naman sa paghahanda ng paparating na mga kalamidad sa ganitong panahon, welcome ho ang lahat na magpadala ng tulong dahil yung mga nakahanda naming mga relief ay intended po iyon para sa iilang kalamidad lang, ang problema kasi kung minsan ay marami at sunod-sunod at of course kailangan nating punuan ang buffer stock natin dito sa Caritas Manila…”panawagan ni Fr. Valencia.
Bukod sa Caritas Manila una na ring tiniyak ng mga Social Action Centers na nakahanda ang Disaster Risk Reduction Response ng bawat ng Simbahan upang tulungan ang mga nangangailangan at maaring mga maapektuhang residente ng mga kalamidad at sakuna.
Samantala, patuloy naman ang panawagan ng Simbahan sa publiko para sa pangangalaga ng kalikasan kung saan nasasaad sa Ecyclical Letter ng Kanyang Kabanalan Francisco na Laudato Si na babalik lamang sa tao ang sakunang maaring idulot ng kapabayaan at pang-aabuso sa kalikasan at kapaligiran.