319 total views
Nakalikom ang Caritas Manila ng mahigit sa 22 milyong piso mula sa isinagawang PADAYON: Pag-ibig, Damayan sa Pag-ahon online concert na idinaos noong ika-25 ng Marso ng taong kasalukuyan.
Sa isang post ng Caritas Manila Facebook page, inihayag nito ang pasasalamat sa mga sumuporta at nagbahagi para sa konsyerto kung saan ang nalikom na pondo ay gagamitin para sa pagpapakumpuni ng mga nasirang Simbahan sa pananalasa ng Bagyong Odette noong Disyembre ng taong 2021.
Magugunitang 10 diyosesis sa Pilipinas ang labis na naapektuhan ng Bagyong Odette dahilan upang magsagawa ng paunang relief and rehabilitation assistance ang Caritas Manila na umabot na sa 47 milyong piso.
Naniniwala si Caritas Manila Executive Director at Radio Veritas 846 President Rev. Fr. Anton CT. Pascual na bahagi ng pagbangon ng mga naapektuhang mamamayan ang muling pagtatayo ng kanilang mga simbahan o pook dalanginan.
Ilan sa mga nagtanghal sa idinaos na online concert ay si Sarah Geronimo na nakipag duet sa kanyang mister na si Matteo Gaudacelli habang napanood din ang pag-awit ni Caritas Manila Internationalis President at dating Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
Napanood din ang ilang mga mang-aawit mula sa Viva na nagpahayag ng kagalakan na maialay ang kanilang talento para sa pagkakawang gawa at pagtulong sa Simbahan.
Sa panayam ng Radyo Veritas kay Diocese of Kabankalan Bishop Louie Galbines, isa sa mga diyosesis na benepisyaryo ng proyekto, nagpapasalamat sila sa biyaya ng Panginoon na magkaroon ng mga indibidwal at grupo na para sa ganitong layunin at kaisa nila sa pagbangon mula sa epekto ng kalamidad.
“Through you and everyone you become the new instrument of God’s love for us, we know even in this diffuclt moments you carry our cross with us, we are not alone,” mensahe ni Bishop Galbines.
Inaasahang sa mga darating na araw ay sisimulan na ang rehabilitasyon ng mga nasirang Simbahan.
Ang himpilan ng Radyo Veritas 846, Ang Radyo ng Simbahan ay isa sa mga opisyal na media partner ng Padayon online concert.