1,865 total views
Nakikiisa ang social arm ng Archdiocese of Manila sa pagdiriwang ng World Humanitarian Day.
Ayon kay Caritas Manila executive director Fr. Anton CT Pascual, ang pagkakawanggawa ay paraan ng pagtulong sa kapwa upang maibsan ang mga pasanin bunsod ng iba’t ibang krisis sa lipunan.
Sinabi ni Fr. Pascual na ang pagtulong sa mga higit na nangangailangan ay pagpapakita ng pagmamahal katulad ng ginawa ni Kristo upang maipadama ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan.
“Tayo ay nakikiisa bilang mga kristiyano sapagkat naniniwala tayo na ang christian humanism ay napakaganda dahil ang Diyos ay nagkatawang tao. Pinapahalagahan ng Diyos sa katauhan ni Kristo ang tao—itinaas ang dignidad ng tao. Kaya dapat tayo, tulad ni Kristo ay nagmamahal sa bawat isa, ginagalang natin ang kapwa tao sa pamamagitan ng pagpapalago at pakikiisa sa pag-unlad ng buhay ng tao sa espiritwal at materyal na aspeto,” pahayag ni Fr. Pascual sa panayam ng Radio Veritas.
Sa loob ng 70 taon, patuloy na ginagampanan ng Caritas Manila ang pagtugon sa pangangailangan lalo ng mga mahihirap na pamayanan, sa anumang paraan, upang muling madama ang pag-asa sa kabila ng mga pagsubok ng buhay.
Tuwing Agosto 19 ay taunang ipinagdiriwang ang World Humanitarian Day na inilunsad ng United Nations upang paigtingin ang kamalayan hinggil sa patuloy na pagtulong at paglilingkod sa mga pamayanang apektado ng mga suliranin sa buong mundo.
Tema ng WHD 2023 ang #NoMatterWhat na layong ipabatid ang gampanin ng bawat isa na bagamat mahirap at mapanganib ang pagkakawanggawa ay hindi ito dahilan ng pagsuko bagkus, patuloy na gampanan ang pangakong malampasan ang mga hamon at maghatid ng tulong sa mga higit na nangangailangan, ano man ang mangyari.
Kasabay nito’y ginugunita rin ngayong taon ang ika-20 anibersaryo ng pag-atake sa UN Headquarters sa Baghdad, Iraq na kumitil sa buhay ng 22 humanitarian aid workers, kabilang si UN Special Representative of the Secretary-General for Iraq, Sergio Vieira de Mello.
Nasasaad sa katuruan ng simbahan na ang bawat isa’y tinawag sa mga gawaing nagpapakita ng kabayanihan tulad ng pagtulong sa kapwa, kung saan makakamit din ang kabanalan ng Panginoon.