2,750 total views
Nakikiisa ang social arm ng Archdiocese of Manila sa buong bansa sa pagbubukas ng klase para sa taong pangpaaralan 2023-2024.
Inilunsad din ng Caritas Manila sa pakikipagtulungan ng Radyo Veritas ang Youth Servant Leadership and Education Program o YSLEP Telethon na layuning makalikom ng pondo para sa mga college scholar ng simbahan.
Ayon kay Fr. Anton CT Pascual, executive director ng Caritas Manila aabot sa P130 milyon ang inilaang pondo ng YSLEP sa mga scholar ngayong taon.
“Ang Caritas Manila ay patuloy sa pagsusulong sa kahalagahan ng edukasyon as the greatest social equalizer. Ito ay upang kalabanin ang kahirapan, kamangmangan, at kawalan, at ang edukasyon ang tugon natin,” ayon kay Fr. Pascual.
Tema ngayong taon ang YSLEP Telethon “Building a Humane Future Through Servant Leadership” kung saan hangarin din ng Caritas Manila na makalikom ng P5 milyong piso.
Sa tala, may higit sa limang libo ang college scholar ng simbahan hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa iba’t ibang lalawigan kasama na ang Visayas at Mindanao.
Inaanyayahan din ng pari ang publiko na makiisa at makibahagi sa panawagan ng simbahan para patuloy na suportahan ang mga Kabataang Filipino na nais na mag-aral bagama’t walang kakayanan dulot ng kahirapan.
Ngayong taon, higit sa 1,500 ang mga nagtapos na YSLEP scholar kung saan ilan din sa mga mag-aaral ang nagtapos ng may karangalan sa akademya.
Sa tala ng Caritas Manila, dalawa ang kinilala bilang Suma Cum Laude; 29 na Magna Cum Laude at 109 ang nagtapos ng Cum Laude.