167 total views
Hinimok ng pari ang mamamayan na makiisa sa pagtugon sa pangangailangan ng mahihirap lalo na sa mga kabataan na nais makapagtapos sa pag-aaral.
Ayon kay Rev. Fr. Ric Valencia, ang namumuno sa Caritas Manila Disaster Risk Reduction and Management Program, mahalaga ang ginagampanang tungkuling ng bawat isa na tumugon at makiisa sa mga gawain ng Simbahan na kumakalinga sa mga dukha sa lipunan.
“Sa atin pong mga Kapanalig ako po ay nanawagan bilang in-charge din ng Caritas Damayan na tayo po ay makiisa at tumulong sa pagpapalaganap ng ating mabubuting gawain patungkol sa pagtutulong sa ating mga scholar,” bahagi ng pahayag ni Fr. Valencia sa Radio Veritas.
Ang panawagan ng Pari ay kaugnay sa pagbubukas ng Segunda Mana Expo ng Caritas Manila sa Starmall EDSA Mandaluyong kung saan tampok dito ang mga Segunda Manong mga kagamitan mula sa mga kilalang personalidad tulad ng mga artista.
Itinatampok dito ang mga gamit tulad ng mga damit, bag at sapatos na donasyon ng mga kilalang personalidad gaya nina Heart Evangelista, Alden Richard, Iza Calzado, Toni Gonzaga, Vice Ganda at marami pang iba.
Ang Segunda Mana Celebrities and Personalities Bazaar ay magtatagal ng tatlong araw o hanggang Linggo ikalabingwalo ng Nobyembre sa ikalawang palapag ng Starmall.
Ang malilikom na pondo ay ilalaan para tustusan ang pag-aaral ng mga scholars ng Caritas Manila sa ilalim ng Youth Servant Leadership Program.
“Itong ating expo naman ay naging purpose po naman ay para sa ating mga scholar, alam naman ng lahat na tayo ay may ini-maintain na mga scholar mga 5, 000 sila lahat sa buong kapuluan ng Pilipinas lalo na doon sa mga lugar na mahihirap at isa sa mga pinagkukunan ng pondo para sa kanila ay itong expo,” dagdag ni Fr. Valencia.
Ang mga gawain ng Caritas Manila, ang social action arm ng Arkidiyosesis ng Maynila ay patunay na patuloy ang pagkilos ng Simbahan para kalingain ang mga dukha sa lipunan at ipadama ang tunay na pag ibig ng Diyos sa pamamagitan ng pagbabahaginan.
Sa tala ng Caritas Manila YSLEP nasa limang libong mag aaral sa buong bansa ang tinutustusan na kinabibilangan ng mga katutubo at mga kabataang mula sa ibang pananampalataya gaya ng Muslim.