412 total views
July 16, 2020, 1:20PM
Inaayayahan ni Manila Apostolic Bishop Broderick Pabillo ang mamamayan na may kakayahang tumulong na makibahagi para patuloy na makapag-aral ang mga mahihirap na kabataan.
Tinukoy ng Obispo ang pangangailangan ng mga estudyante ng mga gadget at internet connectivity dahil sa bagong sistema ng pag-aaral bilang ‘new normal’.
“Mahirap ngayon ang kalagayan ng mga scholars natin kasi ang hirap sa pagpasok at marami ang kailangan lalu na ngayon at gagawin ngayong online. Ewan ko lang, kung ang mga scholars natin ay mayroong connectivity at mayroong mga gadget. So talagang kailangan nila ang tulong upang ang mga bata ay patuloy na makapag-aral,” panawagan ni Bishop Pabillo sa isinagawang Caritas Manila Youth Servant and Leadership Program o YSLEP Back-to-Learning Telethon sa Radyo Veritas.
Unang inihayag ng pamahalaan ang pagkakaroon ng ‘blended learning’ bilang paraan ng pag-aaral, habang pansamantalang suspendido ang face-to-face interaction sa mga silid aralan hangga’t nanatili ang banta novel coronavirus.
Ayon kay Commission on Higher Education (CHED) chairman Prospero de Vera, posibleng bumaba ng 70-porsiyento ang hindi makakapag-enroll ngayong taon dulot ng rin ng krisis sa ekonomiya at ang pangambang mahawa mula sa Covid-19.
P12M TARGET FOR YSLEP
Umaasa ang Caritas Manila na makapangalap ng donasyon na nagkakahalaga ng P12 milyon upang tustusan ang pangangailangan ng may 5-libong scholars ng simbahan para sa school year 2020-2021.
Ayon kay Fr. Anton CT Pascual, executive director ng Caritas Manila sa kasalukuyan ay may 4,200 scholars ang Caritas Manila-YSLEP at karagdagang 500-bagong college scholars.
Dulot ng pandemya mula sa 1,000 bagong scholars kada taon, 500-estudyante muna ang tatanggapin ng Caritas Manila bilang mga benepisyaryo ngayong school year.
“But this year because of the pandemic ay 500 muna. Tingnan natin by the end of the year kung marami pang pondong pumasok we can still put additional scholars for VocTech education,” ayon kay Fr. Pascual.
Ang mga bagong scholars ay mula sa mga anak ng mga jeepney at pedicab driver at mga vendor na higit na naapektuhan ang kabuhayan dulot ng krisis sanhi ng novel coronavirus.
“Sana kahit may pandemya patuloy pa rin ang pagsuporta natin sa kahalagahan ng edukasyon. Lalung-lalu na sa ating mahihirap na kabataan para magkaroon sila ng magandang kinabukasan at the same time sila ay mahubog sa tamang paglilingkod bilang mga servant leader,” panawagan pa ng pari.
Naniniwala ang Caritas Manila na ang edukasyon ang pangunahin at pangmatagalang tugon laban sa kahirapan.
“Tulad ng nga ng nangyari sa coronavirus na ito na naapektuhan ang lahat dapat ang tugon din natin ay para sa kabutihan ng lahat. Kaya edukasyon ng mahihirap ang napakagandang behikulo diyan,” dagdag pa ni Fr. Pascual.
Bawat YSLEP scholars ay tumatanggap ng P30 libo kada taon.
Taong 2018 naitala 1,697 YSLEP scholars ang nagtapos sa kolehiyo- ang pinakamalaking bilang na napagtapos ng Caritas Manila, kabilang na dito ang 548 mga estudyante mula sa mga lalawigan na sinalanta ng bagyong Yolanda noong 2013.