1,965 total views
Kaisa ng mga nangangailangan ang Caritas Manila sa anumang pagsubok na kaharapin sa buhay.
Ito ang tiniyak ni Father Anton CT Pascual – Executive Director ng Caritas Manila at Pangulo ng Radio Veritas sa paggunita ng World Humanitarian Day sa August 19, 2023.
Ayon sa Pari, patuloy ang Social Arm ng Archdiocese of Manila sa mga inisyatibong nagpapakain sa mga nagugutom, nagpapaaral sa mga kapos-palad at nagbibigay ng kabuhayan sa mga pinakamahihirap saan mang panig ng Pilipinas.
“Unang-una priority ng Caritas Manila ito ngang hunger and malnutrition kaya’t para sa ating Humanitarian Day ang simbahan ang kristiyanismo ay nagpopromote talaga ng the best kind of humanism ito yung Christian Humanism na kung saan nakikita ang Diyos sa bawat isa,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Pascual.
Tiniyak din ng Pari ang pinaigting na pagpapakain sa mga bata upang tuluyang malutas ang malnutrisyon sa Pilipinas.
Ito ay sa pamamagitan ng mga Integrated Nutrition Program ng Caritas Manila na bukod sa mga bata at pinapakain rin ang mga lactating mothers ng mga pagkain masusustansya upang makaahon mula sa malnutrisyon.
“Sabi nga sa Matthew 23:5 ano man ang gawin mo sa pinakamaliliit naroon ang Panginoon kayat ang ating humanitarian celebration na priority ng Caritas Manila addressing hunger and malnutrition lalo na ngayon sa ating kasalukuyang panahon,” bahagi pa ng panayam ng Radio Veritas.
Sa tala noong March 2020 hanggang December 2021 ay umabot sa dalawang bilyong piso ang nailaan ng Caritas Manila bilang pondo sa ibat-ibang humanitarian programs na tinutulungan hindi lamang ang mga nangangailangan sa Arkiyidiyoses ng Maynila kungdi ang mga nangangailangan din sa sa ibat-ibang bahagi ng Pilipinas.