181 total views
Pursigido ang Simbahang Katolika partikular na ang Archdiocese of Manila na patatagin ang kanilang kahandaan at kaalaman sa Disaster Preparedness and Response.
Dahil dito dadalo ang mga kinatawan ng Caritas Manila at himpilan ng Radyo Veritas sa gaganaping Aid and International Development Forum sa ika-21 hanggang ika-22 ng Hunyo sa Bangkok, Thailand kung saan ilan sa mga pangunahing tatalakayin ay ang epektibong pagtugon sa mga mapaminsalang kalamidad na isa sa mga pangunahing suliranin sa Pilipinas.
Dadaluhan ang pagtitipon ng mahigit sa 200 organisasyon mula sa iba’t-ibang panig ng mundo na magbibigay ng karagdagang kaalaman sa pagtugon at komunikasyon sa panahon ng kalamidad ganon na rin ang pagharap sa iba’t-ibang banta sa sektor ng kalusugan.
Ang Caritas Manila na siyang tumatayong Social Arm ng Arkidiyosesis ng Maynila ay kasalukuyan nang kumikilos upang ihanda ang iba’t-ibang mga Typhoon Prone Dioceses sa Pilipinas sa pamamagitan ng paglulunsad ng “Oplan Damayan” o ang pagsasama-sama ng mga Diyosesis na nasa eastern seaboard ng bansa at siyang pinakamadalas na naapektuhan ng mga mapaminsalang bagyo.
Sa bahagi naman ng Radyo Veritas, ang isa sa pinakamatagal ng AM Radio sa Pilipinas ay tinitiyak na magsisilbing himpilan ng komumikasyon ng mga organisasyon ng Simbahang Katolika sa oras ng kalamidad.
Magugunitang sa pag-aaral na inilabas ng isang sangay ng United Nations noong taong 2015, sinasabing ang Pilipinas ay ika-apat sa mga bansa sa buong mundo na maituturing na pinaka malapit sa kalamidad.
Tinayang aabot sa 20 bagyo kada taon ang dumarating sa Pilipinas at nito lamang buwan ng Mayo ay opisyal ng ideneklara ng PAGASA ang pagsisimula ng panahon ng tag-ulan.